BASURANG plastic ang iniwan ng bagyong Egay at Falcon. Isinuka nila ito sa dalampasigan ng Manila Bay. Sari-saring basura ngayon ang nakatambak sa Dolomite Beach. Natakpan ng basura ang puting buhangin ng Dolomite Beach na ginastusan ng Duterte administration ng P389 milyon sa pamamagitan ng Manila Bay beautification project.
Hanggang sa kasalukuyan, nagsusuka pa ng basura ang Manila Bay dahil sa masamang panahon dulot ng habagat. Halos isang linggo nang umuulan at nagpapatuloy pa. Marami pang basura ang isusuka sa dalampasigan, particular sa Dolomite Beach.
Maraming bumatikos sa mahal na proyekto ng nakaraang administrasyon subalit wala ring nakapigil sa kanilang kagustuhan. Ngayon, kapag masama ang panahon at nagngangalit ang alon, naging tambakan na lang ng mga plastic na basura ang Dolomite Beach.
Kung ang ginastos sa Dolomite ay ginamit para mataniman ng mga bakawan ang dalampasigan, mayroon sanang sasangga sa malalaking alon. Mapipigilan din ang pagluwa ng basura sa Roxas Blvd. sapagkat haharangin ang mga ito. Mabisang proteksiyon ang mga bakawan.
Ginastos din sana ang pondo para sa kampanya na huwag magtapon ng basura sa mga estero, sapa at ilog sapagkat sa dagat hahantong ang mga ito. Ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansa sa Southeast Asia na malakas magtapon ng basurang plastic sa karagatan. Karaniwang tinatapon ang mga plastic sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, catsup, cup ng noodles, plastic bottle ng softdrinks shopping bags at marami pa. Ang mga basura ay nanggagaling sa Maynila, Cavite, Bataan at iba pang bayan at siyudad.
Sabi ni President Ferdinand Marcos noong nakaraang taon, tutulong ang Pilipinas sa paglilinis ng basura sa mga karagatan. Hindi pa natutupad ang kanyang pangako sapagkat marami pa ring nakatambak na basura sa karagatan at banta sa pagkasira ng kalikasan.
Bukod sa pagtulong na paglilinis ng basura sa karagatan, mas makabubuti kung magkakaroon nang mahigpit na kampanya laban sa pagtatapon ng basura sa mga estero at ilog. Patawan ng parusa ang mga mahuhuling nagtatambak ng basura sa mga dinadaanan ng tubig.
Magkaroon ng ordinansa ang mga bayan at lungsod laban sa mga magtatapon ng basura sa kung saan-saan lang. Kung hindi maghihigpit, hindi matatapos ang problema sa mga basurang plastic. Aapaw pa ang mga ito sa Manila Bay at tiyak ang pagkawasak ng kapaligiran.