ISANG magsasaka na nagngangalang Mr. Li ang inireklamo ng kanyang mga kapitbahay matapos itong mag-alaga ng limang baka sa terrace ng kanyang 5th floor apartment!
Ayon sa report, nagmula sa bukid si Mr. Li at kalilipat lamang niya sa apartment sa isang siyudad sa Sichuan Province.
Sa unang araw ng paninirahan ni Mr. Li sa apartment noong Hulyo 14, ang unang napansin ng kanyang mga kapitbahay ay ang maingay na atungal ng mga baka at mabahong amoy ng dumi nito.
Nang sinubukang hanapin ng mga residente kung saan nanggagaling ang ingay at masamang amoy, nagulantang ang mga ito nang makitang may limang baka sa terrace ng apartment unit ni Mr. Li.
Tumawag sa awtoridad ang mga tenant ng apartment. Mabilis na dumating ang mga urban management officials at agad inalis ang limang baka.
Ayon sa mga opisyal na rumesponde, may bigat na 10 to 20 kilos ang bawat baka kaya nagtaka sila kung paano naiakyat ni Mr. Li ang mga ito nang walang nakakapansin samantalang walang elevator ang apartment.
Sa kasalukuyan, hindi pinatawan ng parusa si Mr. Li sa kanyang ginawa. Ngunit hinigpitan na ng management ng apartment ang pagbabantay dahil napabalitang sinubukan muling ipuslit at iakyat ni Mr. Li ang mga baka sa kanyang unit.