Goodbye na nga ba sa text scam ng mga kawatan?
WALA nang magaganap na anumang extension sa SIM card registration matapos ang deadline noong Hulyo 25.
Yan ang pagtiyak ng National Telecommunications Commission (NTC), kung saan nga iniulat nila na umabot sa 105.9 milyon ang nairehistrong mga SIM matapos ang deadline. Pasok yan sa target na 100 milyon hanggang 110 milyon.
At pagsapit ng Hulyo 31, ang lahat ng hindi nairehistrong SIM ay permanente nang made-deactivate at hindi na maaaring muling i-activate o iparehistro.
Ngayong malinaw na rehistrado na ang mga SIM, inaasahang tuluyan nang mawawala ang text scam at iba pang panlilinlang gamit ang cellphone.
Wala pa man ang deadline, sinasabing malaki na ang nabawas sa text related scam.
Sana nga ay tuluyan na itong malabanan, pero hindi dapat maging kampante, kasi nga baka ngayon pa lang may naiisip ng ibang modus o pamamaraan ng panlilinlang ang mga kawatan.
Ayan na nga at pinag-iingat ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko dahil sa tumataas namang ‘hacking incidents’ sa social media.
Alarming na umano ito, kung saan umabot na sa 743 sa unang anim na buwan pa lang ng taon ang naitalang insidente ng hacking.
Baka dito, bumabaling ang mga kawatan na napigilan sa SIM registration.
Ayon nga sa pulisya, layon ng mga hacker na manipulahin ang pagkakakilanlan ng account user upang makapanloko o makapang-scam sa mga contact ng mga biktima.
Kaya nga lubhang pag-iingat talaga ang kailangan dahil hindi tumitigl sa pag-isip ng modus ang mga kawatan.
- Latest