Bilang ng mahihirap na Pinoy, lumalaki!

UMANI ng pogi points si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. dahil sa generally peaceful na protest rally sa 2nd State of the Nation Address (SONA) ni President Bongbong Marcos. Sa halos taun-taon na SONA, abayyyyy naperpekto na ng kapulisan ang seguridad na inihain nila. Kaya’t pinayagan na nila ang mga progressive groups na isigaw abot-langit ang mga hinaing nila laban sa gobyerno ni BBM. Siyempre, kasama na d’yan ang mataas na bilihin, lalo na ang pagkain, dahil hindi naman bumaba kaagad ang presyo ng bigas sa beinte pesos. Anong sey n’yo mga kosa?

Sa ulat na natanggap ni Acorda, walang major confrontation na nangyari sa kampo ng mga protesters at PNP. Kusang nag-disperse ang mga rallyista, at dito naman kumilos ang mga tauhan ni NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez na winalis at nilinis ang mga kalat na iniwan nila sa kalye. Nang magsalita na si BBM sa Batasan Pambansa building, malinis na ang kalsada sa Commonwealth Ave., kung saan nagdaos ng kilos protesta ang progressive groups. Mismooooo!

Mukhang humihina at hindi na makaipon ng sangkatutak na miyembro itong mga taga-progressive groups para sumali sa kanilang protest rally magmula ng lumisan si CCP founder Jose Maria Sison, no mga kosa? Matagal ng natigok si Sison subalit wala pang napabalita na may pumalit na sa kanya. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

“Generally peaceful po ang security coverage para sa SONA as no untoward incident was reported,” ani PNP spokesperson Col. Jean Fajardo. “Maganda po ang preparation, pagplano at latag ng security for SONA in coordination with LGUs and other government agencies. Cooperation of the general public also played a significant role in maintaining peace and order, particularly in all engagement area,” ang dagdag pa ni Fajardo. Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Kung sabagay, hindi lang dapat sina Acorda at Nartatez ang bigyan ng kredito sa matahimik na SONA ni BBM kundi maging si QCPD director Brig. Gen. Nicolas Torre III, ang ground commander ng 22,000 na kapulisan. Palakpakan natin si Gen. Torre at hindi nasayang ang isang buwan niyang pagtrabaho para maging maayos at tahimik ang SONA ni BBM. Hehehe! Puwede ng mag-RD si Gen. Torre. Ano sa tingin mo Gen. Acorda Sir? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Nawaglit na sa isipan ni BBM ang security ng SONA at maayos na binalangkas n’ya ang mga accomplishments n’ya sa unang taong panunungkulan bilang pangulo ng Pinas. Isa-isa ring isiniwalat n’ya ang mga plano o proyekto n’ya para maitaas ang hakbanging Bagong Pilipinas sa termino niya. Eh di wow!

Sa 37 taon na itong SONA, wala namang bagong problema ang Pinas, kundi ang corruption, lalo na sa Bureau of Customs, na kahit nilagpasan nila ang collection target nila ay itinuturo pa din ang ahensiya na nasa likod ng smuggling, hoarding at cartel ng mga agricultural products. Hehehe! Naamoy ko na ang pagbalasa d’yan sa BOC, ano sa tingin n’yo mga kosa? Mismooooo!

Lumalaki ang bilang ng mga Pinoy na nabaon sa hirap samantalang trilyones na din ang utang ng Pinas. Mukhang hindi ang SONA ang kasagutan ng mga problemang ito. Ano pa nga ba? Abangan!

Show comments