EDITORYAL - Pakikipagsapalaran sa Maharlika
ISA sa mga dahilan kung bakit may mga tutol sa nilagdaang Maharlika Investment Fund Act of 2023 ay dahil sa posibilidad na makurakot ang pondong nakalaan para rito. Kahit pa sinasabing babantayan at mahuhusay ang mga mamamahala sa investment fund, duda pa rin ang marami. Maaring makurakot ang pondo at magising na lang ang lahat na wala na ito. Ang Maharlika ay may tinatayang P75 billion na paid-up capital para sa taon na ito, kung saan P50 billion nito ay manggagaling sa Land Bank of the Philippines at ang P25 billion ay mula sa Development Bank of the Philippines.
Ikinatatakot nang marami na matulad ito sa 1Malaysia Development Berhad (1MDB) na bumagsak dahil kinurakot ng mga opisyales ang pondo. Hanggang ngayon, hinahabol pa ang mga opisyal ng 1MDB para panagutin. Kabilang sa kinasuhan ang maybahay ng mataas na opisyal ng Malaysia.
Kung mangyayari rito ang nangyari sa Malaysia, baka walang opisyal na makulong. Mapapawalang-sala sa kabila na maraming nakulimbat. Sa dakong huli ang kawawa ay ang mamamayan na isang kahig, isang tuka.
Ang mga hiyaw nang pagtutol sa Maharlika ay hindi nagtagumpay. Walang kahirap-hirap na nakalusot sa Kongreso at sinertipikahan pang “urgent” ni President Ferdinand Marcos Jr. Sa isang iglap, naging batas ito (Republic Act 11953) at nilagdaan ni Marcos noong Martes. Nakasaad na ang layunin sa pagtatatag ng Maharlika ay masuportahan ang mga hangarin ng pamahalaan para sa pagpapayabong ng ekonomiya. Sa pamamagitan nito, uunlad ang kabuhayan ng bansa at makikinabang ang mamamayan. Sa ilalim ng batas, bibigyan ng kapasidad ang gobyerno na mamuhunan sa mga mahahalagang proyekto tulad ng agrikultura, imprastruktura, at iba pa.
Nang unang sumingaw ang panukalang Maharlika noong nakaraang taon at kasama sa pagkukunan ng pondo ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS), maraming pensioners ang nangamba. Paano na ang kanilang pera na inaasahan sa pagtanda? Agad tinanggal ang SSS at GSIS sa pagkukunan ng pondo. Subalit puwede pa rin daw mag-invest ng pera ang dalawang pension funds kung nanaisin ng mga ito.
Ngayon ay gugulong na ang Maharlika. Kahit maglupasay ang mga tutol, wala nang magagawa. Ang tanging magagawa ay maging mapagmatyag sa operasyon ng Maharlika. Subaybayan ang operasyon nito. Kahit pa sinabi ng Presidente na walang mangyayaring pagnanakaw sa pondo, mas makabubuting magbantay sa investment fund. Imulat ang mga mata at talasan ang taynga sa pakikipagsapalaran sa Maharlika.
- Latest