EDITORYAL - Dapat magbanat ng buto at huwag umasa sa ayuda
SINIMULAN na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang food stamp program noong Martes. Pinagkalooban ng electronic benefit card ang 50 mahirap na pamilya. Ang card ay naglalaman ng P3,000 na halaga ng mga pagkain. Magagamit ang mga card sa mga awtorisadong tindahan, Kadiwa stores, groceries, at mga maliliit na supermarket. Ang food stamp program ay may pondong $3 milyon mula sa Asian Development Bank (ADB).
Sabi ni DSWD secretary Rex Gatchalian, maglalaan ng pondo ang gobyerno para sa pagpapatuloy ng programa sa mga susunod na taon. Target ng pamahalaan na mabiyayaan ng programa ang isang milyong pamilya na food poor kung tawagin. Ayon pa kay Gatchalian, pagkaraan ng anim na buwan ng programa, kung maganda ang resulta, 300,000 na pamilya ang idadagdag at sa mga susunod ay 300,000 uli para maabot ang isang milyong mahirap na pamilya. Sa ganitong paraan matutupad ang hangarin ni President Ferdinand Marcos Jr. na “Walang Gutom 2027”. Ayon pa sa DSWD secretary, layunin din ng programa na suportahan ang mga lokal na magsasaka. Makikinabang ang mga magsasaka sa programa sapagkat ang kanilang mga produkto ay bibilhin ng mga benepisyaryo.
Kakaiba ang programang ito ng DSWD kaysa sa Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na cash ang ipinagkakaloob sa mga benepisyaryo. May pagkakataong ginagastos ng benepisyaryo ang pera. Sa halip na pagkain, alak ang binibili o kaya’y ipinangto-tong-its. Kaya marami ang patuloy na namumuti ang mata sa gutom. Marami rin sa 4Ps beneficiaries ang hindi nirereport na sila ay “graduate” na sa pagtanggap ng ayuda.
Malaking tulong ang food stamp program at nakatitiyak na pagkain ang makukuha ng benepisyaryo. Sa sistemang ito ay wala nang magugutom sapagkat pagkain na ang tatanggapin nila.
Pero ang mas magandang gawin ng DSWD ay ang pagtuturo sa mga kapuspalad na magkaroon ng sariling pagkakakitaan para hindi habampanahon ay aasa sa pamahalaan. Kung patuloy ang pagkakaloob sa ilalim ng food stamp, matutuyuan din ang kaban ng bansa. Hindi naman sa lahat ng panahon ay tutulong ang ADB. May hangganan ang pagtulong.
Turuan ang mga nagdarahop na paunlarin ang sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho upang may maibili ng pagkain. Turuan na huwag umasa sa ayuda na pinagkakaloob ng pamahalaan.
- Latest