EDITORYAL - Mga pulis mismo ang sumisira sa PNP
ISA sa mga ipinangako ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda nang maupo noong Abril 24, 2023 ay ang “paglilinis” sa pambansang pulisya. Binantaan niya ang mga scalawags o ang mga “bugok” na miyembro ng PNP.
Subalit ang banta ni Acorda ay tila walang epekto sapagkat lalo pang dumami ang mga gumagawa ng kabuktutan. Nagmistulang mga “bukbok” ang mga pulis na sinisira ang mga haligi ng PNP para bumagsak. Winawasak ng mga pulis ang sarili nilang tahanan. Wala na silang kinatatakutan at kinasisindakan. Patuloy na gumagawa ng kasamaan. Sa halip na protektahan ang mamamayan, sila pa ang gumagawa ng pagnanakaw, pangingikil at pananakot.
Ganito ang ginawa ng limang pulis mula sa Manila Police District (MPD) noong Hulyo 11. Pinasok ng mga pulis na pawang nakasibilyan ang isang computer shop sa Barangay 525 sa Sampaloc, Maynila at inakusahan ang may-ari na sangkot ito sa pagpapasugal. Hiningan ng P40,000 ang may-ari na si Herminigildo dela Cruz, 73, para hindi na raw ito kasuhan. Nagbigay ang may-ari. Matapos bigyan, nagnakaw pa ang mga pulis sa shop. Sinira rin ng mga ito ang CCTV para walang ebidensiya. Bago umalis ang mga pulis, nagtakda pa ang mga ito ng P4,000 kada linggong protection money para hindi raw ito guluhin.
Nagsumbong si Dela Cruz sa mga awtoridad. Inilunsad ng MPD ang paghahanap sa limang pulis at babaing asset ng mga ito. Kinilala ang mga pulis na sina Staff Sgts. Ryann Tagle Paculan, Jan Erwin Santiago Isaac; Cpl. Jonmark Gonzales Dabucol at Patrolmans Jeremiah Sesma Pascual, at John Lester Reyes Pagar, mga miyembro ng MPD-District Police Intelligence Operations Unit (MPD-DPIOU).
Kahapon, sumuko na ang mga pulis. Hindi raw muna sila magsasalita ukol sa nangyari ayon sa payo ng kanilang mga abogado.
Nakapagtataka naman kung bakit kailangan pa nilang magtago ng ilang araw bago nagpasyang sumuko. Kung walang kasalanan, dapat pa bang magtago. Kung lehitimo ang kanilang operasyon, dapat pa bang umabot sa ganitong kahiya-hiyang sitwasyon.
Sagad na ba ang katakawan ng ilang pulis at nagagawa pang mangotong at magnakaw gayung mataas na ang suweldo. Ang suweldo ng Patrolman ngayon ay P29,668 mula sa dating P14,834. Itinaas ito noong 2018.
Nasa kultura na ba ng mga pulis ang pangongotong, pagnanakaw at panghuhulidap? Ituloy ni Acorda ang paglilinis sa PNP at bakasakaling maagaw pa ito sa tuluyang pagkasira.
- Latest