EDITORYAL – Bumabaha dahil sa mga basurang plastic

PROBLEMA na noon pa ang baha sa Metro Manila. Marami nang ginawang proyekto at mga eksperi­mento ang mga namuno para malunasan ang perwis­yong baha pero pabalik-balik pa rin. Walang pagbabago. Ang nakakatakot ngayon, kaunting ulan lang, baha agad sa maraming lugar sa MM. At mabagal ang paghupa ng baha kaya naman dagdag sa stress ng mamamayan. Kapag nagbaha, kabit-kabit na ang problema—trapik, walang masakyan ang stranded commuters at sakit na dulot ng baha gaya ng leptospirosis.

Ngayon ay panglimang araw nang pabugso-bugso ang ulan sa Metro Manila. Nag-umpisa noong Huwebes na nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar. Matindi ang baha sa Sucat sa South Luzon Expressway at halos gumapang sa trapik ang mga sasakyan. Mataas din ang baha sa Buendia Avenue, Taft Avenue, Rizal Avenue, Araneta Avenue at ang walang kamatayang baha sa España Blvd. partikular sa Maceda at Blumentritt Sts. Ma­raming pasahero ang na-stranded. Ang iba, naglakad na lamang sa hanggang tuhod na baha.

Basura ang dahilan kaya laging bumabaha sa Metro­ Manila partikular na sa Maynila. Inamin na noon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na mga basu­rang plastic ang dahilan kaya bumabaha. Hindi raw kaya ng pumping stations na pabilisin ang pagliit ng baha dahil sa mga nakabarang basura. Ang mga basurang plastic ay hindi natutunaw kaya walang katapusan ang problema. Nagsasagawa ng paglilinis sa mga drainages ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at MMDA subalit walang nangyayari sapagkat pagsapit ng tag-ulan, barado pa rin ang mga drainages.

Noong 2010, gumastos ang pamahalaan ng bilyong­ piso para sa flood control program pero balewala sapag­­kat bumabaha pa rin dahil sa mga nakabarang ba­sura. Karaniwang plastic sando bags, sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, cup ng instant noodles, plastic shopping bags at nadagdag pa ang used face masks.

Maraming estero ang hindi na gumagalaw ang tubig dahil sa dami ng basura. Kadalasang informal settlers na nakatira sa pampang ng estero ang nagtatapon ng mga ba­surang plastic. Naging basurahan nila sa mahabang panahon ang mga estero. Ang mga basura sa estero, ilu­luwa sa Manila Bay.

May mga ordinansa ang bayan at lungsod na pinagbabawal ang pagtatapon ng basura sa mga estero at sapa. May katapat na kaparusahan ang mahuhuling magtapon. Pero ningas-kugon ang mga kautusan sapagkat hindi na pinatutupad. Sa umpisa lamang mahigpit.

Titindi pa ang problemang baha kung hindi magkakaroon ng seryosong paghihigpit ang local government units (LGUs) sa pagtatapon ng mga basurang plastic. Mauulit ang mga pagbaha gaya noong Ondoy.

Show comments