DAPAT sigurong mas lalong higpitan at dumaan sa masusing pagsubaybay ang mga security guard bago maisyuhan ng lisensiya.
Napapasailalim pa kaya ang mga ito sa neuro exam?
Tandaan na may mga dala ring armas ang mga yan at posibleng may banta ng panganib kung hindi mae-examine ang kanilang mental health.
Kagaya na lamang ng sekyu sa isang mall na ngayon nga ay kinukuyog ng galit ng mga mamamayan.
Ito ay dahil sa brutal na aksyon kung saan walang kagatul-gatol na inihagis nito ang isang tuta na pag-aari ng dalawang menor de edad mula sa isang footbridge sa Quezon City.
Aba’y sa taas ng pinaghagisan ng sekyu sa walang kalaban-laban at kawawang tuta tuluyan itong nasawi.
Nakakainit naman talaga ng ulo ang ipinakitang pag-uugali ng guwardiyang ito.
Una, naasar lang umano sa mga bata na may-ari ng tuta. O di ba pati bata pinatulan.
Hindi pa talaga nakontrol ang sarili at ang pinagdiskitahan naman eh ang alagang tuta ng mga bata.
At dahil sa bilis uminit ng ulo nito na hindi niya nakokontrol, dinakma ang tuta at inihagis mula sa itaas.
Sinibak na agad ito ng mall na kanyang pinagtatrabahuhan, habang iniimbestigahan na rin ng kanyang agency ang insidente.
Hindi rin pinalampas ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang pangyayari at tuluyan nang sinampahan ng kaso laban sa sekyu.
Ang PNP- Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ay nagsabi ring may malaking posibilidad na kanselahin na ang lisensiya nito.
Hindi ito dapat maging sekyu sobrang init ng ulo. Hindi marunomgt magkontrol ng galit kaya may malaking panganib kapag nakasalamuha ito.