Ang babae sa panaginip
NOONG 2002, si Dorel Vidican, 30, preso sa kulungan ng Romania na may kasong armed robbery, ang nanaginip tungkol sa isang babae na naghihingalo dahil sa kidney failure. Nakiusap ang babae sa kanya na kung puwedeng i-donate nito ang isa niyang kidney. Nagmamakaawa ito kay Dorel.
Ilang araw ang lumipas, nakalimutan na ni Dorel ang tungkol sa panaginip ngunit muli niya itong naalaala nang minsang nanonood siya ng TV sa entertainment area ng kulungan. May babaing nananawagan ng tulong sa sinumang taong payag i-donate ang isa niyang kidney. Nagmamakaawa ang babae dahil gusto pa niyang madugtungan ang kanyang buhay. Marami na ang nagtangkang mag-donate ngunit walang makitang compatible sa kanya.
Hindi na nakakagulat sa Romania na may mapanood na panawagan tungkol sa organ donation. Ang ikinagulat ni Dorel, kamukha ng babae sa TV ang babaing napanaginipan niya. Agad niyang ipinarating sa pinuno ng jail management ang pagnanais niyang mag-donate ng kidney sa babae na nalaman niyang si Diana Moldovan, 38.
Pinayagan si Dorel at agad siyang pinuntahan ng doktor upang i-test ang kanyang tissue. Nagulat ang doktor dahil 100 percent compatible ang tissue ni Dorel sa tissue ni Diana—one in 16 million chance.
Agad isinagawa ang kidney transplant. Kagaya ng dapat asahan, ito ay 100 percent success. Ibinigay ni Dorel ang kanyang kidney nang libre.
Kumalat sa buong Romania ang kanyang ginawa. Bilang ganti sa kanyang kabutihan, pinagkalooban siya ng presidential pardon. Simula noon, marami nang preso ang buong pusong nag-aalok ng kanilang kidney para i-donate sa mga maysakit sa pag-asang mapaikli ang kanilang sentensiya at maagang makalaya kagaya ni Dorel.
- Latest