IRESPETO mo muna ang iyong sarili para irespeto ka ng ibang tao. Narito ang mga paraan ng pagrespeto sa sarili:
Huwag hanapin ang mga taong hindi ka naman hinahanap.
Bawas-bawasan ang pagbisita sa bahay ng ibang tao, lalo at hindi naman ugali ng taong iyon na magpunta sa bahay ninyo.
Iwasang mamalimos ng pag-ibig o friendship.
Sa pagtawag sa telepono o texting, kung sa ikalawang pagtatangka ay hindi pa rin siya sumasagot, tumigil ka na. Sasagot agad iyon kung importante ka sa kanya.
Huwag maging bungangera. Tumigil na sa pagsasalita kapag naipaliwanag mo na ang lahat. Problema na ng kausap mo kung maniniwala siya o hindi.
Kapag pakiramdam mo ay hindi ka na inirerespeto ng kausap mo, komprontahin mo ito hangga’t magkaharap kayo. Ngunit kung ito ay lasing o nasa level na ng pagwawala, talikuran mo ito kaagad at saka komprontahin kapag nasa matinong pag-iisip na siya.
Huwag makisali sa pagtsitsismisan kung saan ang kuwentuhan ay umiikot sa kasiraan ng isang tao.
Maging masipag sa pag-aaral o sa iyong trabaho upang magtagumpay sa iyong mga pangarap.
Huwag damihan ang kakainin lalo na kung iyon ay libre lang. Kung gaano ka man kapatay-gutom, huwag magpahalata.
Mag-isip muna bago magsalita. Ang pagrespeto ng ibang tao sa iyo ay nakasalalay kung ano ang lumalabas sa bibig mo.
Sikaping maging magaling sa mga ginagawa mo.
Huwag gawing lagi kang “available” sa mga kaibigan. Hayaang paminsan-minsan ay ma-miss ka nila.
Mas dalasan ang pagbibigay kaysa tanggap na lang nang tanggap.
Mag-invest sa magandang sapatos at magandang damit. Hindi kailangang maging mamahalin, basta’t maayos at magdadagdag ng dignidad sa iyong pagkatao.