Dear Attorney,
Puwede bang hilingin sa korte na gawing kaapelyido ko ang anak ko? Plano ko po na mag-migrate at isama sa akin ang bata. Baka kasi mahirapan sa pag-migrate ang anak ko kung apelyido pa rin ng kanyang ama ang gagamitin niya, kahit sampung taon na kaming inabandona niya. —Marlene
Dear Marlene,
Wala namang makapipigil sa iyo na maghain ng petisyon sa korte ngunit base sa inilahad mo ay malabong pagbigyan ng korte ang iyong hiling na ipabago ang apelyido ng iyong anak.
Una, karapatan ng isang bata na dalhin ang apelyido ng kanyang ama kung siya ay kinikilala nito. Ibig sabihin, ipagkakait mo ang nasabing karapatan sa iyong anak kung ipabago mo ang kanyang apelyido.
Mahalaga rin na dala-dala ng iyong anak ang apelyido ng kanyang ama dahil matibay na ebidensya ito ng kanilang relasyon bilang mag-ama kaya kung ipapabago mo ito, maaring maapektuhan ang iba pa niyang mga karapatan, katulad ng karapatan niyang magmana sa ari-arian ng kanyang ama.
Pangalawa, maari rin na hindi pagbigyan ang hiling mo kung menor de edad pa ang anak mo. Sa kaso ng Moore v. Republic (G.R. No. L-18407, 26 June 1963), ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pinagbigyan ang petisyon ng magulang na ipabago ang apelyido ng kanyang anak ay ang pagiging menor de edad ng huli.
Ayon sa Korte Suprema, hindi tamang pangunahan ang bata sa kung ano ang dapat niyang maging pangalan lalo na’t siya lamang ang makakaalam ng kanyang kagustuhan ukol dito. Dapat ay hintayin na lang siyang dumating sa tamang edad at hayaang siya ang magdesisyon kung gusto ba niyang baguhin ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng tamang proseso sa ilalim ng ating batas.
Sa huli, laging isinasaalang-alang ng ating batas ang kapakanan at ang interes ng bata kaya ito ang magiging panguhaning konsiderasyon ng ating mga korte sa mga kasong may kinalaman ang mga menor de edad.