KAHIT ako ay papayat-payat, malikot akong bata at mahilig magtatakbo. Bibili lang ng pagkain sa canteen, magtatakbo na ako para hindi ako maabutan ng mahabang pila o hindi kaya para hindi maubusan ng pansit habhab. Ganoon ako lagi, gusto ko laging mauna.
Isang araw, nasa grade 3 ako noon, kumalat sa aming school na dumating daw at nasa plaza sina Imelda Marcos kasama ang sikat noong love team na sina Vilma Santos at Edgar Mortiz. Panahon noon ng election. Nangangampanya si Imelda para sa asawa niya. Maya-maya lang ay idineklara ng aming principal na walang klase dahil aligaga ang lahat ng tao na magpunta sa plaza para makita nang personal ang mga artista pati na rin si Imelda na napakaganda raw na babae.
As usual, takbuhan kaming magkakaklase. Malakas ang loob kong tumakbo nang mabilis dahil may suot akong shorts sa loob ng aking bestida. Hindi kami nag-uuniporme sa public school. Unahan kami na makarating sa plaza para mauna sa front row. Isa pa, mas magandang matitigan sa malapitan sina Imelda, Vilma at Edgar.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nadapa ako. Masama ang aking bagsak. Sa sobrang lakas ng pagkadapa, kumayod sa kalsada ang aking mga tuhod. Sumigaw ako ng “Tulungan ninyo ako!” pero walang nakarinig. Tiningnan lang ako sandali ng aking mga kaklase at pagkatapos ay itinuloy nila ang pagtakbo papunta sa plaza.
Unti-unti akong bumangon. Umupo sa tabi ng kalsada. Damang-dama ko ang hapdi ng sugat sa tuhod. Ayoko nang manood ng pangangampanya ni Imelda. Tumitibok na ang sugat at walang tigil ang paglabas ng dugo.
Iika-ika akong umuwi sa aming bahay at doon ako umatungal ng iyak. Hindi ko nakita ang pinag-uusapang beauty ni Imelda. Hindi ko narinig ang boses ni Vilma habang kumakanta ng Sweet Sixteen. Sayang maganda pa raw naman ang pagkakakanta ni Edgar ng My Pledge of Love. Sayang talaga. Hindi ko sila nakita sa personal.
Naging aral iyon sa akin. Ang tagumpay ay hindi nakukuha sa pagtakbo kundi sa maliliit pero tiyak na paghakbang. Ang mga bata ay nagsisimula sa mabagal na paghakbang hanggang sa hindi natin namamalayan ay nakakatakbo na pala sila. Ang karanasang iyon ay nagpapaalala sa akin lagi na—we need to keep working, slowly but surely, towards our goals.