Nararamdaman na ang bangis ng El Niño. Maraming bansa sa Europe ang dumanas nang matinding init apat na araw na ang nakararaan. Sa France, nakaranas nang matinding heatwave na katulad noong 2013 o sampung taon na ang nakararaan. Kakaiba rin ang naranasang init sa Middle East na mas matindi sa mga nakaraang panahon. Sa China, Vietnam at Thailand ay nararanasan na rin ang init ng panahon. Ang nararanasang init ay iniuugnay sa El Niño phenomenon.
Dito sa Pilipinas, unti-unti nang nararamdaman ang El Niño. Noong Martes, nagbigay na ng babala ang PAGASA na titindi ang init ng panahon sa mga darating na buwan. Mararanasan umano ang tindi ng El Niño sa huling tatlong buwan ng 2023 at sa mga unang buwan ng 2024.
Sa pananalasa ng El Niño, kaunting pag-ulan lamang ang mararanasan subalit ibang bahagi ng mundo ay pawang tag-ulan at pagbaha ang mararanasan.
Naghahanda na ang pamahalaan sa patama ng El Niño. Gumagawa na ng mga paraan kung paano makakapagtipid sa tubig lalo at nababawasan na ang lebel ng Angat Dam. Noong Huwebes, nasa 180.21 meters ang level ng tubig sa dam. Ang Angat Dam ang nagsusuplay ng tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila. Noong 2019, umabot sa 160 meters ang lebel ng tubig at kung hindi magkakaroon ng pag-ulan sa watershed, maaring umabot sa ganitong critical level ang tubig sa dam.
Noong Abril, nagpalabas ng ordinansa ang mga lungsod sa Metro Manila na ipagbabawal ang carwash business dahil maraming nasasayang na tubig. Subalit tila ningas kugon ang ordinansa sapagkat patuloy ang mga carwash sa kanilang operasyon. Patuloy din ang masaganang daloy ng tubig sa mga golf course at mga pribadong swimming pool na parang walang krisis na kahaharapin dulot ng El Niño.
Habang nag-iisip ang pamahalaan kung paano iipunin ang tubig ulan para magamit sa panahon ng tagtuyot, marami namang tubo ang may leak sa kalye at hindi naaasikasong i-repair ng dalawang water concessionaires.
Nagsisimula na ang bangis ng El Niño hindi lamang sa Pinas kundi sa maraming panig ng mundo. Dapat isaayos ng pamahalaan ang mga plano kung paano makapagtitipid ng tubig. Hindi naman dapat ipagwalambahala ng mamamayan ang problemang ito. Nararapat makipagtulungan ang bawat isa sa kampanya ng pamahalaan para makapagtipid ng tubig. Seryosohin ang bagay na ito.