Dear Attorney,
Kulang po ang ibinabayad sa aming overtime pay. Puwede ba kaming tumanggi kapag pinag o-overtime ng aming employer? —Jake
Dear Jake,
Maari lamang ipag-utos ng employer ang pag-o-overtime kung ang dahilan nito ay pasok sa Article 89 ng ating Labor Code.
Kailangang mag-overtime ng empleyado kung (1) may digmaan o national emergency; (2) may lokal na kalamidad kung saan kailangan ang pag o-overtime ng mga empleyado upang maisalba ang buhay ng mga tao, maiwasan ang pinsala sa mga ari-arian, at upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko; (3) kailangan ng agarang pagkukumpuni sa mga makinarya at iba pang mga kagamitan upang maiwasan ang malubhang pagkalugi ng employer; (4) kailangang maiwasan ang pagkasira ng mga perishable goods; at (5) kailangang tapusin ang trabahong nasimulan na sa ika-walong oras ng trabaho upang maiwasan ang perwisyo sa negosyo o operations ng employer.
Sa madaling sabi, kung wala naman sa mga nabanggit ang dahilan ng pagpapa-overtime sa inyo ay maari n’yong tanggihan ang utos na mag-overtime
Kailangan n’yo nga lang suriin mabuti ang dahilan ng utos sa inyong mag-overtime dahil maari kayong maging guilty ng insubordination o pag-suway sa employer na puwedeng ground para sa pagkakatanggal n’yo sa trabaho.
Dapat n’yong ihiwalay ang isyu ng hindi pagbabayad ng tamang overtime pay. Kung may sapat namang dahilan ang employer n’yo para kayo ay utusang mag-overtime, may obligasyon kayong sundin ito. Kung matapos n’yong mag-overtime ay hindi kayo babayaran ng tama ay saka kayo magsampa ng reklamo sa kinauukulan upang masingil mula sa inyong employer ang dapat na ibinayad sa inyo.