ISANG 80-anyos na lalaki sa Vietnam ang diumano’y 61 taon nang hindi natutulog dahil sa insomnia!
Laman ng mga balita ngayon sa Vietnam ang magsasakang si Thai Ngoc dahil ayon dito, mahigit anim na dekada na siyang walang tulog at hindi naaapektuhan nito ang kanyang kalusugan.
Sa panayam ng mga local news agencies sa misis, mga anak, kaibigan at kapitbahay ni Ngoc, wala pa sa kanila ang nakakakita na natutulog ito.
Nagsimula ang kakayahan ni Ngoc na hindi makadama ng antok noong siya’y 20-anyos. Nagkaroon siya nang malalang lagnat at simula noon ay hindi na siya makatulog. Kahit uminom siya ng sleeping pills, sumubok ng traditional medicine at alak, hindi na siya dinadalaw ng antok.
Dahil nabalita sa buong Vietnam ang tungkol kay Ngoc, ilang espesyalista roon ang nag-alok ng libreng testing at analysis sa kanyang karamdaman. Pero tumanggi si Ngoc dahil para sa kanya, hindi na niya kailangang magpatingin sa doktor.
Umabot ng international news ang insomnia ni Ngoc at nabasa ito ng sleep medicine specialist na si Dr. Vikas Wadhwa ng Sleep Services Australia. Nagbigay siya ng opinyon tungkol dito at sa tingin niya ay nakakatulog si Ngoc pero hindi niya ito namamalayan.
Pinaliwanag nito na ang mga taong may severe insomnia ay hindi na ma-distinguish ang pagiging tulog sa pagiging gising. Maaaring nakakaidlip siya ng tigkakaunting oras at sapat na ito para magkaroon siya ng lakas buong araw.