NAGTIPUN-TIPON noong Hunyo 24 sa isang maliit na bayan sa Ireland ang mga impersonator ng country singer na si Dolly Parton at tinawag nila ang event na ito na Dolly Day.
Bukod sa Guinness title na “Largest Dolly Parton gathering in a public space”, ginawa ito ng bayan ng Listowel para makalikom ng pera na ibibigay nila sa mga charitable organization.
Para kilalanin ang kanilang record breaking attempt, dapat ay mayroong 250 Dolly Parton impersonators ang dumalo sa event. Bukod dito, ang isa sa requirement ng Guinness para makasama sa bilang ang isang atendee ay dapat mula ulo hanggang paa ay kahawig nito si Dolly Parton.
Upang makasunod sa requirement na ito, namigay ng blonde wig ang Listowel sa bawat tao na bibili ng ticket para sa Dolly Day.
Dinaluhan ng 1,200 impersonators ang event ngunit 1,100 lang ang pumasa bilang ka-look alike ni Dolly Parton. Sa kasalukuyan, isinumite na ng Listowel ang lahat ng pruweba sa kanilang record breaking attempt at inaasahan nila na sa susunod na mga buwan, kukumpirmahin na ng Guinness na sa kanila na ang world record title.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng Guinness ang Listowel dahil noong 2012, napasakamay nila ang titulong “Largest Gathering of People Dressed as Nuns” nang magsama-sama sa kanilang bayan ang 1,436 katao na naka-costume bilang madre.