Boses na humihingi ng tulong  

SIMULA noong ako’y napahiwalay sa aking pamilya sa probinsiya para mag-aral sa Maynila, lagi kong naririnig sa aking ama at ina ang paalaala na huwag ako basta-basta makikitulog sa bahay ng mga bagong kakilala. Malapit ang kapahamakan sa mga babaeng mahilig makitulog sa bahay ng ibang tao.

Noong ako ay nagtrabaho sa isang government agency at ini-assign kami sa probinsiya, nakalimutan ko ang paalaala ng aking mga magulang. Minsan namiyesta kami sa pinsan ng aking officemate na malapit lang ang lugar sa bayan na aming kinaroroonan. Plano namin ay maghapon lang kami at sa gabi ay uuwi na rin sa aming boarding house. Masaya kasi ang fiesta sa bayan na aming pinamiyestahan dahil sa gabi ay may Santacruzan na pulos mga artista ang kinukuhang reyna. Halos mag-aalas dose na ng hatinggabi nang matapos ang Santacruzan kaya wala na kaming masakyang jeep pauwi sa aming tinutuluyang boarding house. Hindi naman kami makaarkila ng traysikel dahil lasing ang mga drayber. Inimbita na lang kami ng tiyahin ng aking officemate na sa kanila na lang matulog.

Ilang oras pa lang akong  nakakatulog nang may marinig akong boses ng babae na kumakatok sa main door ng bahay. Pinakiramdaman ko kung may magigising sa pamilya ng may-ari ng bahay pero mukhang nahimbing ang lahat ng tao. Maya-maya ay sinunud-sunod na ang pagkatok na parang nagmamakaawa.

“Tulungan ninyo ako…tao po! Tao po!” nagmamakaawa at umiiyak ang boses.

Ginising ko ang aking officemate. Sandali rin nitong pinakinggan ang babaeng tumatawag at kumakatok.

“Gisingin natin ang tiya mo, baka emergency” bulong ko sa aking kasama.

“Huwag…masamang magbukas ng pintuan at bintana. Huwag nating pansinin ang tawag.”

“Bakit? Masamang tao ang babaeng ‘yun?” tanong ko.

“Tik-tik ‘yun!”

Napahagikgik ako. “Tabloid?”

“Bruha, huwag kang magtawa. Aswang ang ibig sabihin nun. Ganyan ang ginagawa ng mga tik-tik kapag fiesta. Alam nilang maraming bisitang nakikitulog sa bahay-bahay. Siyempre, kagaya mo, hindi mo alam na aswang sila. Akala mo ay totoong humuhingi ng tulong. Pagbukas mo ng pintuan ay saka ka nila sasalakayin . Di ba nakita mo yung mga Latin words na nakapaskil sa likod ng pintuan kanina. Itinatanong mo kung para saan iyon. For protection, para hindi sila makapasok dito sa loob kahit pa bukas ang pintuan.”

“Bakit hindi sila hulihin ng mga pulis?”

“Walang nakakaalam kung sino sila. At saka ano ang ikakaso mo sa kanila?”

Huminto ang pagkatok. Wala na rin ang nagmamakaawang boses. Sumilip sa maliit na butas ang aking officemate.

“Umalis na. Inorasyunan siguro ni Tiya”

Hindi na ako inantok hanggang umaga. Sobra akong natakot. Nangako ako sa aking sarili na hindi na ulit tatapak sa lugar na iyon kahit pa sandamukal na artista ang dumayo sa Santacruzan.

Show comments