Isang Mexican restaurant sa Sacramento, California ang pinagmulta ng gobyerno matapos gumamit ng pekeng pari para tiktikan ang kanilang mga empleyado!
Naglabas ng kautusan ang U.S. Department of Labor na magbayad ang restaurant owner na si Che Garibaldi ng back wages at damages na nagkakahalaga ng $140,000 sa kanyang mga empleyado.
Ito ay matapos mabisto na gumamit ito ng pekeng pari para tiktikan ang mga empleyado ng Taqueria Garibaldi at magkumpisal sa kanilang mga naging kasalanan habang nasa trabaho.
Ayon sa isang empleyado na tumestigo laban kay Garibaldi, nag-imbita ng pari ang kanilang boss at isa-isa silang pinagkumpisal dito. Ilan sa mga tanong ng pari ay kung na-late na ba sila sa trabaho, nagnakaw ba sila sa cash register at kung may balak ba silang masama sa kanilang employer.
Nakumpirma na peke ang pari nang naglabas ng statement ang Catholic Diocese of Sacramento na hindi sila nagpapadala ng pari sa kahit saang establisemento para magsagawa ng pangungumpisal.
Bukod dito, natuklasan ng mga imbestigador na hindi nagbabayad si Garibaldi ng overtime pay at hinahayaan nito na ibulsa ng manager ang tip na dapat ay sa mga empleyado. Dahil dito, kailangan bayaran ni Garibaldi ng $140,000 ang kanyang 35 empleyado at kailangan din niyang magmulta ng $5,000 sa gobyerno.