SABADO, sinundo ni Cristine ang kanyang anak na 10 years old na si Justine sa Mauban, Quezon. Nagbakasyon kasi ito sa kanyang mga biyenan. Kailangan niyang sunduin ang anak dahil sa darating na Lunes ay schedule nilang mag-anak na bumiyahe patungong Hong Kong.
Gabi na nang dumating sila sa San Pablo City. May importanteng pinuntahan ang kanyang mister kaya siya ang napilitang sumundo sa anak. Nakaramdam na ng antok at pagod sa pagmamaneho si Cristine kaya pagkatapos kumain sa isang fastfood ay nagpasyang mag-check in muna silang mag-ina sa maliit na hotel para magpahinga sandali. Pakiramdam niya ay wala na siyang lakas para magmaneho mula San Pablo hanggang Marikina.
Magkatabi silang mag-ina sa bed. Sa sobrang pagod ay agad silang nakatulog. Sa tantiya niya ay hatinggabi na nang magising siya dahil may kamay na sumasakal sa kanya. Nakakapa niya ang kamay pero walang tao siyang makita sa kanyang paligid. Ano ‘yun? Multo?
Mahigpit ang pagkakasakal kaya hindi niya matanggal ang kamay. Pinilit niyang ilakas ang ungol para magising ang kanyang anak pero habang humihigpit ang kapit ng kamay sa kanyang leeg ay pahina nang pahina ang kanyang ungol.
Paulit-ulit niyang dinasal sa isipan ang Ama Namin sa pag-asang Diyos na lang ang makapagliligtas sa kanya sa mga pagkakataong iyon. Hindi na niya alam ang sumunod na pangyayari dahil nagdilim na ang lahat sa kanya.
Kinaumagahan, nagulat siya nang may tumapik sa kanyang balikat. Ginigising na siya ng kanyang anak. Nang imulat niya ang mata, nagtatakang itinanong ng kanyang anak kung bakit namumula ang kanyang leeg. Ikinuwento niya ang naranasan nang nagdaang gabi. Habang nagbabayad sa cashier ay pasimple siyang nagtanong: Miss, may history ba ng multo dito sa hotel ninyo?
“Awa po ng Diyos, simula nang itayo itong hotel ay wala pa naman kaming nararanasan.”
Sa isip lang ni Cristine, “Siyempre, di ninyo aaminin kung meron man.” Magkaganoon pa man ay ikinuwento nito ang karanasan at ipinakita pa sa staff ang marka sa kanyang leeg.
Biglang may naisip na itanong ang cashier, “Mam, nakita kong may dala kayong sasakyan. Habang kayo ay nasa biyahe, may nakasabay po ba kayong libing?”
Nag-isip si Cristine. “Oo, may nakasabay kaming funeral procession doon sa bandang…ah, hindi ko na maalala kung saang bayan ‘yun. Bakit?”
“Mam, kapag ganoon ay ipagdasal mo ang kaluluwa ng namatay dahil ayon sa aking lola, sa panahong iyon ay hindi pa matanggap ng namatay na patay na sila kaya naghahanap sila ng katawan na puwedeng pasukin ng kanilang kaluluwa bago sila ilibing. Nasa iba na silang dimensiyon kaya ang nakikita lang nila ay yung mga tao na nasa sasakyan. Mabilis kasi ang kilos ng sasakyan kaya mga taong nakasakay dito ang kanilang malinaw na nakikita. Sumama marahil sa inyong sasakyan ang kaluluwa. Pinapatay ka upang ang kaluluwa niya ang pumalit sa katawan mo.”