ISANG art and fashion brand sa New York ang pinag-uusapan ngayon matapos nilang ilunsad sa publiko ang pinakabago nilang obra maestra, isang handbag na sa sobrang liit, kakailanganin ng microscope para makita itong mabuti!
Noong Hunyo 7, ipinakita ng MSCHF sa kanilang Instagram ang bag na tinawag nilang “Microscopic Handbag” na may sukat na 657 x 222 x 700 micrometers. Sa sobrang liit nito, kaya nitong dumaan sa butas ng karayom! Sa malayo, aakalain na isa itong butil ng asin na kulay green. Kapag tiningnan ito sa ilalim ng microscope, makikita ang detalye nito na inspired mula sa Louis Vuitton bag na ‘OnTheGo’ tote bag.
Nabuo ang maliit na bag sa pamamagitan ng 3D printing. Ang material ng bag ay mula sa resin at ginawa ito sa pamamagitan ng two-photon polymerization.
Sa panayam sa chief creative officer ng MSCHF na si Kevin Wiesner, ginawa nila ang bag na ito bilang komentaryo sa trend ng mga designer luxury bags ngayon na pataas nang pataas ang presyo pero paliit nang paliit ang size.
Napansin ng ilan sa mga creative staff ng MSCHF na ang mga nauusong mamahaling bag sa merkado ngayon ay parang palamuti na lang at hindi na nagagamit sa totoo nitong silbi. Sa pamamagitan ng kanilang bag, gusto nilang ipa-realize sa mga tao na ang bag ay dapat nalalagyan ng gamit hindi dapat ito maging accessory lang.
Nagsimula ang auction ng bag noong Lunes (Hunyo 19). Makikita itong naka-display sa 8 Avenue Matignon sa Paris mula Hunyo 20 hanggang 24.