isang 62-anyos na lalaki sa Sri Lanka ang nakatanggap ng dalawang Guinness world record dahil sa napakalaking kidney stone na nakuha sa kanyang katawan!
Nakapagtala ng dalawang world record title si Canistus Coonghe hindi dahil sa kanyang talento, pambihirang lakas o kakaibang kakayahan kundi sa dambuhalang kidney stone na nakuha sa kanyang right kidney!
May sukat na 5.26 inches at may bigat na 800 grams ang kidney stone na nakuha kay Coonghe. Hindi lamang ito ang tinaguriang “Heaviest Kidney Stone in the World”, ito rin ang may hawak ng titulong “Largest Kidney Stone in the World”.
Ang surgeon na si Dr. Kugadas Sutharshan ang nagtanggal ng kidney stone kay Coonghe sa pamamagitan ng isang maselan na procedure na tinatawag na “open pyelolithotomy.”
Sa panayam sa doktor, sinabi nito na mas malaki pa ang kidney stone sa mismong kidney ni Coonghe. Sa kabutihang palad, walang naging kumplikasyon sa kidney ng pasyente at normal pa rin ang function nito.
Sa kasalukuyan, nasa recovering stage na si Coonghe at nasa mabuti nang kalagayan.