EDITORYAL - Permanenteng evacuation centers, kailangan na

Patuloy ang paglilikas sa mga nakatira sa malapit sa Bulkang Mayon. Patuloy ang pagbubuga ng usok ng bulkan at ayon sa mga volcanologists, palatandaan ito ng mga nagbabadyang pagputok. Nakataas sa Alert Level 3 ang bulkan. Kahapon, may mga naglalaglagang bato mula sa bunganga ng bulkan. Huling nag-alburuto ang Mayon noong 2018.

Sa kabila na delikado na ang manatili sa six kilometer danger zone, marami pa rin ang ayaw umalis sapagkat nangangamba silang manakawan ang kanilang mga bahay. Isa pa sa reklamo ng mga residente, siksikan sila sa evacuation centers at walang maayos na pasilidad. Nagbabala naman si Presidente Marcos sa mga residente na sumunod sa LGUs. Lumikas habang wala pang panganib.

Kasabay sa pag-aalburuto ng Mayon, nag-aalburuto rin ang Taal Volcano. Maraming residente ng Agoncillo ang dumadaing dahil sa nalalanghap nilang asupre mula sa Taal. Marami ang hindi makahinga dahil sa usok. Kinukulang umano ang mga gamot para sa ubo sa ilang bayan na nakapaligid sa Taal. Marami rin ang ayaw lumikas sapagkat ayaw iwanan ang kanilang mga tahanan sa takot na pasukin ng magnanakaw. Nagrereklamo rin sila sa pagsisiksikan sa evacuation centers. Kalbaryo raw ang naranasan nila sa evacuation centers noong 2020.

Problema na naman ang evacuation centers para sa mga biktima ng pagputok ng bulkan. Tuwing may kalamidad gaya ng bagyo, lindol, baha at pagputok ng bulkan, malaking problema kung saan dadalhin ang evacuess. Walang mapagpipilian kundi ang mga eskuwelahan.

Ang problema, ginagamit ng mga estudyante ang eskuwelahan. Masasakripisyo ang pag-aaral ng mga bata. Ang masama, sinisira ng evacuees ang mga school. Gaya nang nangyari sa Parañaque ilang taon na ang nakararaan. Sinira ang mga blackboard at pati mga silya.

Noong Nobyembre 2022, tinalakay ng mga mambabatas ang kahalagahan ng pagkakaroon nang permanenteng evacuation centers. Marami sa mga mambabatas ang nagpahayag na dapat magkaroon sa bawat bayan nang permanenteng evacuation centers upang mayroong siguradong sisilungan ang mga apektado ng kalamidad. Maging ang mga senador ay nagpahayag na dapat nang magkaroon ng kanya-kanyang evacuation centers ang local government units (LGUs).

Ang pagtatayo ng permanenteng evacuation centers ay nararapat nang isagawa. Maglaan ng pondo para rito. Lubhang mahalaga ang evacuation centers sapagkat ang Pilipinas ay laging tinatamaan ng kalamidad. Bigyang prayoridad ang pagtatayo ng evacuation centers.

Show comments