May isang lumang Buddhist Temple sa tuktok ng isang bundok sa China na itinayo pa noong 1259 sa panahon ng Yuan Dynasty. Ito ay mayroong paliguan na kung tawagin ay Hot Spring Temple. May bumubukal na maligamgam na tubig dito at sinasabing nakakapagpagaling ito sa maysakit. Napangalagaan ang mismong temple kasama na ang hot spring ng mga monghe na naninirahan dito.
May isang bilyonaryong Chinese na naging interesado sa templong nabanggit. Gusto niyang bilhin ang buong templo para i-convert sa hotel. At ang gagamitin niyang pang-akit ay ang hot spring na nakagagaling ng sakit.
Malakas ang kaway ng pera. Walang nakakabatid kung ano ang ginawa ng bilyonaryo para mapapayag niya ang mga kinauukulan na ibenta sa kanya ang temple. Ito ay sa kabila ng pagtutol ng matatandang monghe. May maliit na lugar sa temple na itinira ang bilyonaryo para gawing tirahan ng mga monghe. Nang mabalitaan ito ng mga mamamayang nakatira sa paanan ng bundok, sila ang natakot para sa bilyonaryo. Lahat ay nagkakaisa sila ng iniisip, “Hindi alam ng bilyonaryo ang kanyang ginagawa.”
Hindi malayo sa pagbili ng simbahan ang ginawang pagbili sa temple. Isang malaking katampalasan na gawin mong hotel ang isang sagradong lugar. Kung ang isang Katoliko ay maninindig ang balahibo sa ideya na ang simbahan ay gagawing hotel, ganoon din ang nararamdaman ng mga mananampalataya ni Buddha nang makita nilang ang sinaunang Temple ay ginawang hotel at spa.
Nagpatuloy sa pagiging matagumpay na negosyante ang bilyonaryong Chinese. Isang araw ay bumiyahe ang bilyonaryo, misis niya at isang anak sa France para inspeksyunin ang nabili nilang vineyard at pagawaan ng alak. Ang vineyard ay malawak na taniman ng ubas na nakalaan lamang para gawing alak.
Pagdating sa France ay inanyayahan ng broker ang mag-anak na libutin ang 75 ektaryang vineyard gamit ang helicopter. Ang mag-ama lang ang sumama dahil matatakutin ang ina na sumakay sa maliit na helicopter. Ilang minuto pa lang na nakakalipad ang helicopter nang bigla itong bumagsak sa katabing dagat. Ilang araw pa ang lumipas bago matagpuan ang bangkay ng mag-ama.
Ang hot spring na matatagpuan sa temple ay may natatanging kuwento na hindi pinag-aksayahan ng panahong pakinggan ng bilyonaryo. Ang emperor na nagpagawa ng temple ay sa mismong hot spring nalagutan ng hininga habang naliligo dito. Noong nabubuhay pa, ang hot spring ay bukas sa publiko para dito maligo lalo na ang mga maysakit.
Sa temple din sumasamba ang mga taong nakatira sa paanan ng bundok. Ipinagbilin ng emperor na huwag ipagdadamot ang lugar sa kanyang nasasakupan. Ang sinumang magdadamot sa temple at hot spring ay makakatikim ng masamang karma.
Simula ng bilhin ang lugar, mga turista na lang ang nakakapaligo at mga Chinese na may pambayad. Kailangang pang dumayo ng mga tao sa malayong bayan na may temple para manalangin at sumamba kay Buddha. Bad karma ang dumapo sa bilyonaryo. Ang nakakalungkot, kasama pati ang kanyang anak sa mga nasawi.