NASA 700,000 pamilya pala ang nakatakda nang alisin bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan sa darating na Agosto.
Nakita na kasi ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagkaroon na ng pagbabago sa antas ng kanilang pamumuhay.
Mas mababa pa nga ang bilang na ito kung ikukumpara sa dating 1.3 milyon na sinasabing tatanggalin na sa P4s.
Benepisyaryo sa naturang program na nasimulan 13-taon na ang nakakalipas ang itinuturing na ‘poorest of the poor’ o yaong mga pamilya na nasa matindi talagang kahirapan.
Marami na ang natulungan nito kung saan kalahati sa taunang P200 bilyong budget ng tanggapan, kalahati dito ay napupunta sa 4Ps.
Ang tanong nga rito ng marami kung ganito karami ang maaalis na sa listahan, hindi ba pwedeng kumuha ng papalit sa mga ito para iba namang nangangailangan din ang makinabang sa proyekto.
Sa kasalukuyan kasi, marami may kumukuwestiyon pa rin sa ilang mga naging benepisyaryo nito.
Daing nga ng ilan, kapag daw hindi ka yata malakas kay ‘kap’, meaning kay barangay captain hindi ka mairerekomenda sa lokal na DSWD para mapiling 4Ps beneficiary.
Hindi raw ito inaaplayan at may tamang proseso raw sa tinatawag ng ‘listahanan’.
Ilan sa requirement ng 4Ps na naka-programa sa kompyuter ay ang may anak na 0-18 anyos; may buntis, mababa sa poverty line ang kinikita at kayang sumunod sa programa.
Ang tanong nga ng marami, nasa ilalim sila sa kategoryang ito, pero bakit daw hindi sila naiinterbyu ng DSWD.
Sana raw kung may-aalisin, sana ay makasama na sila sa ipapalit.
Maging sa nakatakdang pagpapatupad ng ‘food stamp program’ nais malaman ng marami kung paano sila makakasali dito.
Dapat na malinaw at maayos na mailatag ang mga requirements para maging benepisyaryo nito.
Pero sa huli ang hikayat nga ng gobyerno na siya naman talagang dapat na huwag umaasa nang umaasa sa ibinibigay na ayuda o tulong, kundi magsikap din para maitaas ang antas ng pamumuhay.