EDITORYAL - Daming kabataan ang lulong sa vape

Nakababahala na maraming kabataan ang nahuhumaling sa paggamit ng vape. Isang dahilan kaya maraming nahihikayat mag-vape ay dahil sa iba’t ibang flavor na ipinakikilala ng mga manufacturer. Ang problema, hindi namo-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga produktong ito.
Umaakit sa mga kabataan ang mga iniaalok na flavor at isa ito sa dahilan para marami ang malulong sa paggamit ng e-cigarette. Ang nangyayaring ito ay isang paglabag sa vape law at nararapat na kumilos ang DTI para kumpiskahin ang mga nasabing vape products. Kapag hindi napigil ang pagdagsa ng unregistered vape products, nanganganib ang kalusugan ng mga gumagamit ng vape, kabilang ang mga kabataan.
Naalarma ang Department of Health (DOH) sa pagpasok ng mga harmful vape products at nananawagan sila sa DTI na pigilan ang pagbebenta ng mga ito. Kumpiskahin ng DTI ang mga di-rehistradong vape products. Nanawagan din ang DOH sa local government units (LGUs) na paigtingin ang pagpapatupad ng smoke-free at vape-free environment.
Sa report ng 2019 Global Youth Tobacco survey, 14.1 percent ng mga estudyante ang nalululong sa e-cigarrete o vape smoking. Noong nakaraang buwan, sinabi ng PNP na sisitahin nila ang mga estudyante na nagbi-vape. Isinisisi ang pagdami ng mga nagbi-vape na estudyante sa mga nagkalat na vape shop malapit sa eskuwelahan. Mukhang hindi na nakokontrol ang mga may-ari ng vape shop.
Naging batas ang Vape Bill noong Hulyo 2022 kahit hindi nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. Layunin ng batas na ma-regulate ang importasyon, manufacturing, pagbibenta, packaging, distribusyon, at paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotin products. Pero hindi nangyayari ang mga ito.
Maraming kumontra sa pagsasabatas ng Vape Bill sapagkat mapanganib sa kalusugan ang paggamit ng vape. Ang vape ay may chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nakaka-addict at nagiging dahilan ng cancer. Noong 2018, naitala ng Pilipinas ang kauna-unahang e-cigarette associated lung injury na kinasangkutan ng isang 16-anyos na babae sa Visayas.
Nararapat kumilos ang DTI sa pagdagsa ng unregistered vape products. Kumpiskahin ang mga ito. Ipatupad ang vape law. Maghigpit naman ang kapulisan sa mga naglipanang vape shop sa bisinidad ng mga school.
- Latest