Inaresto ang isang lalaki sa Houston, Texas matapos mahuli itong nagtatago sa landing gear ng eroplano ng American Airlines. Ginawa ito ng suspek para makasakay nang libre mula Houston papuntang Miami!
Ayon sa spokesperson ng Bush Intercontinental Airport, tinalon ni Jehffrey Gutirres ang security fence ng airport para makapunta sa tarmac. Nahuli ang 26-anyos na stowaway na nagtatago sa landing gear wheel well ng eroplano habang nagsasagawa ng pre-flight check ang empleyado ng American Airlines.
Ang landing gear wheel well ay isang compartment na naglalaman ng steering and hydraulic components ng eroplano. Kung sakaling hindi nahuli si Gutirres at nakalipad ang eroplano habang siya’y nasa loob nito, maaaring magkaroon ng aksidente na ikapahamak ng 166 pasahero nito.
Ayon sa mga pulis, repeat offender si Gutirres at hindi ito ang unang beses na nakasuhan siya ng trespassing. Nakalaya lamang siya sa mga naunang kaso dahil sa piyansa.
Dahil sa pagkakatuklas kay Gutirres sa landing gear, pinababa ang lahat ng pasahero ng eroplano at naging sanhi ito ng 44 minutes na flight delay. Bukod dito, ang buong Bush airport ay nakaranas ng ilang flight interruptions.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Gutirres sa Harris County Jail sa kasong impairing or interrupting the operation of a critical infrastructure facility and misdemeanor charges of deadly conduct and criminal trespassing.