Dear Attorney,
Itatanong ko lang kung ang tax declaration po ba ay sapat na basehan para sabihing ang isang tao ang siyang nagmamay-ari ng lupa? Puwede ba akong paalisin ng agaran dahil lamang sa tax declaration? —Gerry
Dear Gerry,
Hindi katumbas ng titulo ng lupa ang tax declaration kaya hindi kaagad maaring sabihin na ang nakapangalan sa tax declaration ng isang property ay siyang may-ari nito.
Ayon sa Korte Suprema sa kaso Palali v. Awisan (G.R. No. 158385, February 12, 2010), ang tax declaration ay hindi konklusibong pruweba ng pagmamay-ari ng lupa. Ayon din sa Korte Suprema sa kaso ng Daclag v. Macahilig (G.R. No. 159578, July 28, 2008), hindi maaring asahan ang tax declaration dahil wala namang nakasaad doon na nagbibigay ito ng anumang karapatan ng pagmamay-ari sa pangalang nakalagay.
Hindi naman ibig sabihin nito ay wala nang silbi ang mga tax declaration ukol sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa. Para sa mga magpaparehistro ng titulo, magandang pruweba ang tax declaration para patunayan ang naging pag-okupa ng aplikante sa lupa. Ayon sa Korte Suprema sa Republic v. Sta. Ana-Burgos (G.R. No. 163254, 1 June 2007), magandang indicia o senyales ng pagtira sa lupa ang pagkakaroon ng tax declaration dahil wala namang tao na nasa tamang pag-iisip ang magbabayad ng real property tax o amelyar para sa lupang hindi naman niya kasalukuyang inookupa.
Mahalaga ring mabanggit na kahit naman may titulo ang nagpapaalis sa iyo, hindi ka rin naman basta-basta maaring kaladkarin mula sa lupa kung kasalakuyang inookupa mo ito. Kailangan pa ring dumaan ng nagpapaalis sa iyo sa tamang proseso sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso upang hayaan ang korte na matukoy kung sino ang may karapatang umokupa sa lupa.