Latest issue ng Playboy sa Japan, hindi totoong tao ang cover girl!

GINULAT ng Weekly Playboy magazine sa Japan ang kanilang mga mambabasa nang ibunyag na hindi tunay na tao ang seksing babae na nasa cover nito!

Ang pangalang “Ai” ay pangkaraniwang pangalan ng mga babaing modelo sa Japan. Bukod sa maikli at madaling tandaan, “pag-ibig” ang ibig sabihin nito sa salitang Japanese kaya nababagay na pangalan ito ng mga kabigha-bighaning modelo.

Ngunit tila nagbago ang ibig sabihin ng pangalang Ai matapos lumabas ang latest issue ng Weekly Playboy noong Lunes. Sa Mayo 29, 2023 issue ng magazine, ipinakilala nila ang pinakabagong cover girl model na si Ai Satsuki.

Ayon sa Shueisha, ang publisher ng magazine, pinangalanan nila ang kanilang modelo bilang si Ai dahil siya ay hindi totoong tao kundi isang AI (Artificial Intelligence) generated image. Sa tulong ng makabagong teknolohiya na tinatawag na AI image generator, nakabuo ang Shueisha ng mga makatotohanang imahe ng isang magandang babae na may iba’t ibang sexy poses.

Hati ang opinyon ng mga Japanese netizens kay Ai. Ang iba ay agad humanga sa ganda ng modelo kahit katha lamang ito ng isang computer. Ang ilan naman ay hindi impressed sa ginawang ito ng Shueisha at sa tingin nila ay nagtitipid na ang kompanya at ayaw na nilang gumastos sa totoong modelo. Samantalang ang karamihan sa mga kalalakihan na mambabasa ng magazine ay nagpahayag na hindi sila naaakit sa isang modelo na alam nilang hindi nag-eexist sa mundong ito.

Sa official Twitter account ng Weekly Playboy, sinabi nila na hindi man totoong tao si Ai Satsuki, ang ganda at ka­seksihan nito ay sapat na para maging ideal girl ng kanilang mga mambabasa.

 

Show comments