ISANG high school sa Texas, U.S.A. ang ipinagpaliban muna ang kanilang graduation ceremony matapos hindi pumasa ang karamihan sa kanilang grade 12 students!
Sa 33 grade 12 students ng Marlin High School sa Marlin, Falls County, Texas, lima lamang sa mga ito ang nakatanggap ng pasadong marka para makapagtapos ng high school.
Sa statement na nilabas sa Facebook ng superintendent ng paaralan na si Darryl Henson, sinabi nito na postponed pansamantala ang graduation ceremony ng kanilang paaralan dahil 85% ng kanilang grade 12 students ay mabababa ang grades at kulang-kulang ang attendance sa kanilang mga klase.
Ire-reschedule nila ang graduation ceremony sa June para magkaroon ng sapat na oras ang ilan sa kanilang estudyante na makahabol sa pagpapasa ng school requirements para maging kuwalipikado na tumanggap ng diploma.
Isa sa nakitang dahilan ng mga school officials sa pangyayaring ito ay ang madalas na pag-absent ng mga estudyante sa kanilang mga klase. Upang tugunan ang problemang ito, gagawin nilang apat na araw na lang ang pasok sa isang linggo.
Umaasa ang mga opisyal ng paaralan na maging leksiyon sa kanilang lahat lalo na sa mga mas nakababatang batch ang nangyari sa school year na ito upang hindi na maulit ang napakababang graduation rate ng kanilang paaralan.