Lalaki sa U.S., inireklamo ng mga kapitbahay dahil sa mga robot na idinisplay nito sa harap ng kanyang bahay!
Isang scientist sa Washington D.C. ang inireklamo ng mga kapitbahay matapos siyang maglagay ng mga life size Transformers robot bilang dekorasyon sa harap ng kanyang bahay!
Noong Enero 2021, nagpagawa si Newton Howard sa isang sculptor ng mga life size statue ng mga Transformers characters na sina Autobots Bumblebee at Optimus Prime mula sa mga lumang bahagi at piyesa ng sasakyan. Idinisplay niya ang mga robot sa harap ng kanyang tahanan sa Georgetown at agad itong naging tourist attraction.
Kung gaano kabilis dinayo ng mga turista ang mga robot, ganoon din kabilis nakatanggap ng reklamo si Howard mula sa kanyang mga kapitbahay. Ayon sa mga nagrereklamo, hindi nababagay sa kanilang lugar ang mga robot. Isang historic district ang Georgetown at hindi tugma at naaayon ang “aesthetic” ng lugar para magkaroon ng malalaking robot na tanaw sa kalsada, Bukod dito, dahil sa dami ng mga dumadayo para magpa-picture sa mga robot, nagiging traffic hazard ang mga ito sa mga motorista.
Hindi pinansin ni Howard ang dalawang taon na paulit-ulit na pagrereklamo ng mga kapitbahay. Ngunit nitong May 25, umabot na sa Public Safety Committee meeting ang mga reklamo laban sa kanya. Naging panauhin ni Howard sa meeting ang mga voice actors na sina Peter Cullen and Dan Gilvezan para tulungan siyang umapela sa komite. Si Cullen ang voice actor ni Optimus Prime sa mga Transformers movies at si Gilvezan ang voice actor ni Bumblebee sa orihinal na Transformers cartoon series.
Sa kasamaang palad, mas pinaboran ng Public Safety Committee ang mga nagrereklamong kapitbahay at inobliga si Howard na tanggalin na ang mga robot sa madaling panahon. Pero ayon kay Howard hindi siya susuko at dadalhin niya sa korte ang kaso.
- Latest