Dear Attorney,
Puwede ko bang paalisin ang kasambahay ko kahit kararating lang niya sa amin? Hindi na pala namin kailangan ng serbisyo niya. Hindi ba ako mairereklamo kung pauwiin ko na siya kahit isang buwan pa lang siya at napag-usapan naming isang taon siyang maninilbihan sa amin? —Dina
Dear Dina,
Malinaw sa Republic Act No. 10361 ang mga dahilan kung kailan maaring sisantehin ng isang amo ang kanyang kasambahay kahit hindi pa tapos ang kanilang kontrata:
a) Masamang pag-uugali o pagsuway ng kasambahay sa mga utos na may kinalaman sa kanyang trabaho;
b) Labis na pagpapabaya ng kasambahay sa kanyang gawain;
c) Panloloko sa amo ng kasambahay o pagsira nito sa tiwalang ibinigay ng kanyang amo;
d) Paggawa ng krimen laban sa kanyang amo o alin man sa miyembro ng kanyang pamilya;
e) Pagsuway ng kasambahay sa kontrata at sa mga pamantayang nakasaad sa batas;
f)Pagkakaroon ng sakit na makasasama sa kalusugan ng kasambahay o ng kanyang amo at miyembro ng pamilya nito;
g)Iba pang mga kadahilanan na kahalintulad ng mga naunang nabanggit.
Wala sa mga nabanggit ang inilahad mong dahilan para sa balak mong pagpapaalis sa inyong kasambahay kaya kailangan mong bayaran ang iyong kasambahay para sa hindi mo pagsunod sa inyong napagkasunduan.
Alinsunod sa RA 10361, kailangang bayaran mo ang inyong kasambahay ng halagang katumbas ng 15 araw niyang sweldo bilang daños para sa bigla-bigla mong pagpapaalis. Kailangan mo ring bayaran ng agaran ang kanyang sahod para sa mga araw na nakapanilbihan na ang kasambahay kung siya ay hindi pa nababayaran para sa mga ito.