Comfort zone
ISANG mayamang lalaki ang niregaluhan ng kanyang kaibigan ng ibong falcon. Kumuha siya ng bird trainer dahil hindi niya alam kung paano aalagaan ang mamahaling ibon. Pinapunta niya ang trainer kasama ang falcon sa kanyang malawak na farm upang doon isagawa ang training.
Sa unang araw pa lang, nagkaproblema na ang trainer. Ang gusto sana niyang mangyari ay turuang lumipad nang mataas ang ibon at pagkatapos ay sasanaying bumalik din ito sa farm. Ngunit ang ibon ay lumipad lang sa isang puno at nanatiling nakatambay sa isang sanga. Kahit anong gawin na pagbugaw ng trainer sa ibon, ito ay parang istatwa na hindi man lang natinag sa pagkakadapo sa sanga. Inireport niya ito sa mayamang lalaki.
“Tutal, wala kang nagawang improvement sa ibon, babayaran kita sa ilang araw na pagtatrabaho mo. Tatapusin ko na ang serbisyo mo.”
Pagkaalis ng bird trainer ay ipinatawag ng mayamang lalaki ang kababata niya na nag-aral sa America ng Ornithology. Ito ay sangay ng zoology na ang pinag-aaralan ay mga ibon. Sinabi niya ang problema sa kanyang alagang falcon. Pinuntahan ng kaibigan ang ibon na nadatnan pa ring nakadapo sa sanga ng puno. Pinag-aralan niya ang sitwasyon. May ideyang pumasok sa kanyang utak. Umakyat siya sa puno, nilagare ang sangang dinadapuan ng falcon. Presto! Lumipad nang mataas ang falcon. Maya-maya ay bumalik muli ito at nagpalipat-lipat ng puno sa loob ng farm.
Paano mo napalipad ang tamad na falcon ? tanong ng mayamang lalaki.
Tinanggal ko ang dinadapuan niyang sanga na nagsisilbing ‘comfort zone’ niya. Napilitan lumipad ang falcon dahil wala na ang sanga na kanyang dinadapuan.
Samantala, hinarap naman ng mayamang lalaki ang anak niyang tamad mag-aral. Nagsabi ito sa kanya na titigil na sa pag-aaral dahil nahihirapan daw sa kanyang kursong engineering. Kalmadong tinanggap ng ama ang pasya ng anak na tumigil sa pag-aaral ngunit may isang kundisyon: Magtatrabaho ang anak sa poultry at piggery nila. At habang doon nagtatrabaho, ay doon din ito titira kasama ang mga trabahador. Ibig sabihin, iiwan nito ang bedroom na may aircon, mga gadgets na libangan niya, mga katulong na nagsisilbi sa kanya at credit card. Ang kanyang gagastusin ay ang susuwelduhin niya bilang trabahador sa farm. Kahiyaan na kaya pumayag ang anak. Ngunit wala pang isang linggo ay bumalik ito sa kanilang mansiyon.
“Dad, babalik na ako sa school at tatapusin ko na ang aking pag-aaral”
Lihim na nagdiwang ang mayamang ama. Tumalab ang principle na ginamit ng kanyang kaibigan para mapilitang lumipad ang falcon.
- Latest