Drug money, nagagamit sa halalan, bantayan!

HABANG papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre, heto at tututukan naman ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagkalat ng drug money.

May posibilidad umano na kumalat ang drug money na maaaring magamit sa eleksyon.

Hindi lang marahil sa pambili ng mga boto, kundi maging sa pangha-harass sa mga botante.

Bukod nga sa salaping buhat sa illegal drugs, konek din marahil ang ilan sa mga ito sa mga private armed groups na gamit din ng ilang tiwaling opisyal na tatakbo sa halalan.

Bagama’t hindi tumukoy ng bilang, pangunahing nakatuon ang pulisya sa mga barangay officials na kabilang sa kanilang drug watchlist.

Patuloy umano na kumakalap na ng matibay na mga ebidensiya ang pulisya katuwang ang PDEA sa mga nakikipagkuntsabahan sa mga sindikato sa droga.

‘Yan ang talagang masaklap dyan, kasi nga popondohan ang pagtakbo ng isang kakandidato at kapag naupo siyempre, ‘bayad time’ , sila naman marahil ang magbubulag-bulagan sa operasyon ng mga sindikato lalo na sa lugar na kanilang (brgy. officials) nasasakupan.

Bagama’t hindi mandatory sa mga tumatakbong kandidato ang magpa-drug test, hinimok sila ng PNP na sumailalim na sa naturang test.

Maging sa mga botante, sana ay gawin din nilang isa sa kanilang basehan sa pagpili sa kandidato, eh yaong walong takot na sumailalim sa drug test.

Mas maiging mapatunayan na malinis sila at hindi gumagamit ng droga at sila ay isang mabuting example para sa kanilang nasasakupan.

‘Wag lang sana yaong, marami pang dahilan na tila may itinatagong ilegal.

Show comments