ISANG 22-anyos na lalaki sa Wisconsin, U.S.A, na nakaranas ng matinding pag-ubo at pagkahingal ang nagulat nang malaman na bumara sa kanyang baga (lungs) ang suot niyang silver-plated na “grillz”!
Isang case study na inilathala ng Cureus Medical Journal ang kuwento ng isang hindi pinangalanang lalaki na matapos atakehin ng epileptic seizure ay nakaranas ng hirap sa paghinga, walang tigil na pag-ubo, at pagkahingal.
Nang magpatingin sa ospital ang lalaki, may nakita sa X-ray scans ang mga doktor na may nakabara sa kanyang right main stem bronchus o ang daanan ng hangin sa baga. Ang foreign object na nakabara ay may habang 4 centimeters at kahugis ng isang pustiso. Agad na-identify ng lalaki ang nakabara sa kanyang baga at ito ay ang kanyang silver plated grillz.
Ang grillz ay isang uri ng dental accessory na gawa sa silver o gold. Isinusuot ito bilang alahas o palamuti sa ngipin. Ang pagsusuot ng grillz ay pinauso ng mga hip-hop at rap artist sa U.S. simula noong dekada otsenta.
Ayon sa lalaki, suot niya ang grillz nang bigla siyang magka-epilepsy. Pagkatapos nito ay hindi na niya mahanap ang grillz.
Upang matanggal ang grillz sa baga ng lalaki, sumailalim ito sa bronchoscopy. Gamit ang bronchoscope, ipinasok ito sa airway upang ma-dislodge ang grillz. Ligtas na natanggal ang grillz sa baga at mabilis na na-discharge ang lalaki sa ospital.