MAARING maulit ang nangyari noong Disyembre 2022 na nagpresyong “ginto” ang sibuyas at tiyak na marami na naman ang iiyak. Ang pangambang ito ay lumutang makaraang ipahayag ng Department of Agriculture (DA) noong nakaraang linggo na balak umangkat ng 8,000 metrikong tonelada ng sibuyas. Ayon sa DA, kailangang mag-angkat para mapunan ang kakulangan. Ang pag-angkat ay sinang-ayunan naman umano ni President Ferdinand Marcos Jr.
Tiniyak naman ng DA na hindi tataas ang presyo ng sibuyas. Hindi raw mauulit ang nangyari noong nakaraang taon na umabot sa P700 per kilo. Hindi na umano mangyayari ang ganun kataas na presyo sapagkat sa kasalukuyan ay marami pang stock na sibuyas sa mga storage. Bubuksan daw ang mga storage para matiyak na hindi iniipit ang mga sibuyas.
Noong nakaraang taon, maraming umiyak sa presyo ng sibuyas sapagkat sobrang mahal. Maraming naghinala na itinago ng mga negosyante ang sibuyas kaya biglang naging “ginto” ang presyo. May mga nag-akusa rin na kakutsaba ng mga corrupt DA officials ang mga smugglers ng agri products kaya bumabaha ang mga sibuyas, carrots, bigas at iba pa.
Sabi ng local farmers, hindi naman kailangang mag-angkat ng DA ng sibuyas sa panahong ito sapagkat sapat ang suplay. Panahon ng harvest ng sibuyas at sa dami nang aanihin ngayon ay baka mabulok lamang dahil kulang ang cold storages, Kung aangkat pa ng 8,000 metric tons ang DA, saan ilalagay ito, tanong ng mga magsasaka. Kung walang paglalagyang cold storages, masasayang lamang ang mga aangkatin.
Kailangan daw maubos muna ang mga lokal na aning sibuyas at saka lamang mag-angkat, ayon sa mga magsasaka. Matutulungan na sila ay wala pang mabubulok o masasayang. Ang dapat daw matyagan ay ang mga smugglers na hindi lamang pumapatay sa mga local onion farmers kundi lumulumpo sa kaban ng bansa. Dahil pawang palusot, walang kinikita sa buwis na dapat ay ibabayad sa mga ipinapasok na commodities.
Sabi noon ni President Marcos Jr. masakit sa kalooban niya na mag-angkat nang agri products. Para sa kanya, ang agricultural na bansa na gaya ng Pilipinas ay hindi dapat nag-aangkat sapagkat malawak ang tanimang lupa.
Ang tanong ay bakit patuloy pa rin sa pag-angkat hindi lamang sibuyas kundi pati na asukal at bigas. At habang umaangkat dumadagsa rin ang smuggled na agri products kaya bilyong piso ang nadadaya sa gobyerno.