NOONG World War II, madalas bumisita sa U.S. si British Prime Minister Winston Churchill. Sa White House siya tumutuloy at doon siya sa Lincoln bedroom pinatutulog.
Isang gabi pagkatapos maligo, ugali na niyang manabako at magpalakad-lakad sa loob ng kuwarto nang walang damit. Maginhawa para sa kanya na nakahubad habang tinutuyo ng hangin ang katawang mamasa-masa mula sa pagkaka-shower.
Habang nakatayo at ninanamnam ang usok ng tabako, may naaninag siyang nakaupong silhouette ng tao sa tabi ng fireplace. Habang nakatitig ay unti-unting lumilinaw ang hitsura ng taong nakaupo at nakatingin sa kanya—ang dating Presidente Abraham Lincoln.
Hindi na ikinagulat ni Churchill ang pagpapakita ni Lincoln dahil kalat na kalat na sa buong White House na madalas itong magmulto. Kinasanayan na ang kanyang pagmumulto kaya ‘yung mga first time lang ang mga nagugulat.
Si Churchill bagama’t first time pagpakitaan ng multo, hindi siya nagulat. Kinausap pa niya si Lincoln na parang dati nang kakilala:
“Good evening, Mr. President. Bakit naman po kung kailan ako hubo’t hubad, saka ka naman nagpakita. Labis kong ikinahihiya ang pangyayaring ito.”
Ayon sa kuwento mismo ni Churchill sa mga taga-White House, isang ngiti lang daw ang isinagot sa kanya ni Lincoln at saka unti-unti na itong naglaho na parang bula.