ISANG negosyante sa Trang, Thailand ang nag-viral at pinag-usapan ng mga Thai netizens dahil sa pag-inom ng dugo ng buwaya bilang health supplement!
Sinisimulan ng 52-anyos na si Rojakorn Nanon ang kanyang umaga sa pag-inom ng isang basong dugo ng buwaya na hinaluan ng Lao Khao, isang uri ng alak sa Thailand na gawa sa bigas at molasses. Sa gabi, umiinom muli siya nito bago matulog.
Sa panayam kay Nanon, sinabi nito na sakitin at mabilis siyang mapagod pero nang sinimulan niya ang pag-inom ng dugo ng buwaya, lumakas ang kanyang pangangatawan at bumuti ang kanyang pakiramdam.
Natutunan ni Nanon ang pag-inom ng dugo ng buwaya na hinaluan ng Lao Khao mula kay Wanchai Chaikerd, isang negosyante na nagmamay-ari ng crocodile farm sa Ban Pho district.
Ayon kay Wanchai, kaunti lamang ang dugo na makukuha sa bawat buwaya. Isa hanggang dalawang baso lamang ang makukuha mula sa isang buwaya kaya hinahaluhan niya ng Lao Khao ang binebenta niyang inumin. Nagkakahalaga ng 300 baht bawat isang baso nito.
Hindi na kakaiba sa Thailand ang paggamit sa dugo ng buwaya para sa kalusugan. Isang pharmaceutical doon ang gumagamit ng crocodile blood at crocodile bone extract bilang ingredients sa dietary supplement capsules.
Matapos mag-viral ang tungkol dito, ilang doktor sa Thailand ang nagbabala na hindi dapat diretsong iniinom ang dugo ng buwaya dahil hindi ligtas at maaaring makakuha ng parasites kapag hilaw na ininom ito.