1. Ang pangarap na iPad
Ilang buwan nang pinag-iipunan ng pitong taong gulang na si Jack Swanson ang pambili ng pinapangarap niyang iPad. Minsan, nabalitaan niyang may mga salbaheng nanira ng kanilang local mosque. Hindi siya nagdalawang isip na ibigay ang naipong pera sa pamunuan ng mosque na nanawagan ng tulong para ipagawa ang mga nasira.
Ang sabi ng mga namamahala ng mosque, ang $20 na ibinigay ni Jack ay kasinghalaga ng $20 million, kung iisipin ang isinakripisyo niyang “kaligayahan” para sa kanyang sarili. Ang kuwento ng kabutihan ni Jack ay nalathala sa diyaryo. Nabasa ito ng International human rights lawyer na si Arsalan Iftikhar. Binigyan niya ng brand new iPad si Jack bilang pasasalamat sa kabutihan ng kanyang kalooban.
2. Flat tire
Malayo pa ay natatanaw na ni Victor Giesbrecht ang dalawang babae, sina Sarah at Lisa, na nakatigil sa tabi ng kotse. Halatang problemado ang dalawa kaya naisipan niyang tigilan ito at itanong kung ano ang maitutulong niya. Nalaman ni Victor na na-flat ang gulong. May spare tire naman pero hindi sila marunong magpalit. Pagkaraan ng ilang minuto ay naayos ni Victor ang problema.
Nang araw ding iyon, bandang hapon, habang binabagtas nina Sara at Lisa ang highway ay may isang babaeng sumesenyas ng tulong sa kanila. Tinigilan nila ang babae at nalamang ang asawa nito ay inatake sa puso na nasa driver’s seat. Anong gulat ng dalawa nang makilala nilang ang lalaki ay si Victor na tumulong sa kanila noong umaga.
Ang pagkakataon nga naman, si Sara ay nagkataong nurse. Binigyan muna niya si Victor ng first aid habang si Lisa ay kumokontak sa 911. Nakaligtas si Victor sa tiyak na kamatayan dahil sa first aid na ginawa sa kanya ni Sara.
Susunduin nang araw na iyon ni Victor ang asawa sa pinagtatrabahuan nito nang napahinto siya para tulungan sina Sara at Lisa. Pauwi na silang mag-asawa nang atakihin ito habang nagmamaneho. Sa puntong ito, nagkataong nadaanan sila ng magpinsang Sara at Lisa. Pinalitan ni Victor ang “flat tire” ng magpinsan kaya’t siya ay na-good karma at hindi nag-“flatline” ang kanyang puso.