Huwag balewalain ang utos ng korte
Dear Attorney,
May natanggap po akong notice mula sa korte. Tungkol daw ito sa utang na diumano’y kailangan kong bayaran. Pinagpapa-file po ako ng sagot sa paratang sa akin pero wala akong abogado. Paano kung hindi ako makasagot? Matatalo ba ako sa kaso kahit pang ha-harass lang ang ginawang pagsasampa ng kaso sa akin?—Ram
Dear Ram,
Mahalagang sumunod sa mga ipinag-uutos ng korte katulad ng ipinadala sa iyo lalo na’t nakatanggap naman ng notice tungkol dito.
Maraming maaring mangyari kung hindi tatalima sa utos ng korte, kabilang na ang pagkakadeklara ng partidong hindi sumunod sa utos bilang in default. Kung ideklara ng korte na ikaw ay in default ay magpapatuloy ang pag-usad ng kaso ng walang partisipasyon mo at hindi ka na maaring magpresenta ng ebidensya upang patunayan ang mga depensa mo.
Kaya kailangang sumunod ka sa ipinag-uutos sa iyo ng korte kahit pa sabihin mong wala namang basehan ang mga paratang sa iyo. Kung nasa small claims court ang isinampang kaso sa iyo ay hindi mo kakailanganin ng abogado dahil bawal naman talaga ang abogado sa mga small claims na kaso.
Kung nasa regular court naman ang kaso ay ipaliwanag mo na lang sa korte na naghahanap ka pa lang ng abogado at sana ay mabigyan ka ng palugit para sa deadline ng pagsusumite ng kung anumang isasagot mo.
Mas mabuti nang makiusap ka sa korte kaysa hindi pansinin ang kanilang ipinag-uutos lalo na’t pinagbibigyan naman ng korte ang mga ganyang hiling na bunsod naman ng rasonableng dahilan katulad ng kawalan ng abogado.
- Latest