KAUNTING ulan lang, baha agad sa Maynila at ilang lungsod sa Metro Manila. Hindi pa panahon ng tag-ulan at ang nararanasan lamang ay ang tinatawag na easterlies. Karaniwang ulan lamang pero umaapaw na ang baha.
Noong nakaraang Lunes, bumaha agad sa España Blvd., at sa mga kalye ng Maceda, Laon Laan at Dapitan. Kalahating oras lamang bumuhos ang ulan ay hanggang tuhod agad ang baha. Maraming maliliit na sasakyan ang hindi makatawid na nagdulot nang grabeng trapik. Marami ring pasahero ang na-stranded dahil walang makabalik na dyipni o taxi dahil sa mabigat na trapik. May mga sasakyang tumirik sa baha.
Sumunod na araw ay ganundin, umulan lang nang bahagya pero baha agad sa mga kalye. Kung uulan nang dalawang oras na walang tigil baka maulit ang “Ondoy” na lumubog ang Metro Manila.
Matagal nang problema ang pagbaha sa Metro Manila. Dekada 70 pa ay problema na ang pagbaha at tila walang makitang solusyon ang pamahalaan o ang lokal na pamahalaan. May mga ginawang drainage project sa Maynila na ginastusan ng bilyong piso sa panahon ni dating President Noynoy Aquino pero hindi rin masolusyunan ang baha.
Numero unong bumabara sa mga daluyan ng tubig-baha ang mga single-use plastics. Hindi natutunaw ang mga plastic kaya nakatengga sa mga imburnal. Hindi makadaloy ang tubig dahil nahaharangan ng plastic. Sa mga estero, makikita ang napakaraming plastic na itinapon ng informal settlers. Tapon lang sila nang tapon ng mga sachet 3-in-1 coffee, catsup, noodles, shampoo at conditioner at iba pa. Ang mga itinapon sa estero at mga drainage ay hahantong sa karagatan at pati mga lamandagat ay apektado. Kinakain ng mga balyena ang plastic na dahilan ng kanilang kamatayan.
Ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansa sa Asya na nagtatapon ng plastic na humahantong sa karagatan. Noong nakaraang taon, nangako si President Ferdinand Marcos na tututukan ang plastic pollution. Tutulong umano sa paglilinis sa basurang plastic na nasa karagatan. Sa kasalukuyan, hindi lamang mga plastic na basura ang lulutang-lutang sa karagatan at mga estero kundi pati na rin ang mga face mask at iba pang pandemic materials.
Basurang plastic ang dahilan ng pagbaha sa Metro Manila. Higpitan ang paggamit ng single-use plastic. Magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng mga basurang plastic. Kapag hindi nasolusyunan, magkakaroon nang mga matitinding baha dahil barado ang mga daluyan ng tubig.