ISANG grupo ng mga magnanakaw sa Peru ang hindi makikinabang sa 220 piraso ng sapatos na kanilang ninakaw dahil ang kanilang mga nakulimbat ay kanang pares lahat!
Noong alas tres ng umaga ng Abril 30, nilooban ng tatlong magnanakaw ang sports goods store na Sbshop sa Huancayo, central Peru.
Gamit ang bolt cutter, sinira ng tatlong hindi pa nakikilalang mga lalaki ang padlock ng tindahan at ninakaw ang tatlong malalaking crate na naglalaman ng mga box ng branded na rubber shoes.
Ang hindi alam ng mga magnanakaw, kanang pares lang ang laman ng mga box dahil gagamitin ang mga ito na pang-display sa isang sports goods fair.
Ayon sa police chief na si Eduan Diaz, malapit na nilang ma-identify ang tatlong magnanakaw dahil nag-iwan ang mga ito ng finger prints sa crime scene.
Nagkakahalaga ng mahigit $13,000 ang 220 piraso ng mga sapatos kaya umaasa ang may-ari ng tindahan na mahahanap na ang mga suspek at maibalik sa kanya ang mga ninakaw dahil hindi niya maibebenta ang mga kaliwang pares na naiwan sa kanyang tindahan.