Dear Attorney,
Puwede ba akong tumanggi sa promotion kung sobrang bibigat po ang trabaho ko pero kakapiranggot lang naman ang itataas ng sahod ko? —John
Dear John,
Ang promotion, ayon sa Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. v. Del Villar (G.R. No. 163091, 6 October 2010), ay ang pagsulong papunta sa isang panibagong posisyon na may mas malawak na mga responsibilidad at tungkulin kaysa sa dati. Hindi kailangang may kaakibat na increase sa suweldo ang promotion dahil ayon sa Korte Suprema sa kaso ng NAFLU vs. NLRC (G.R. No. 90739, 3 October 1991), ang tanging mahalaga para masabing promotion ang iniaalok sa empleyado ay ang mga pagbabago sa kanyang mga tungkulin.
Hindi naman ibig sabihin ay hindi ka na makakatanggi sa isang proposisyon na hindi katanggap-tanggap para sa iyo. Ayon sa Echo 2000 Commercial Corp. v. Obrero Filipino-Echo 2000 Chapter-CLO (G.R. No. 214092, 11 January 2016), ang promotion ay maihahalintulad sa isang regalo o pabuya kaya may karapatan ang empleyado na tanggihan ito kung ayaw niyang ma-promote mula sa kanyang kasalukuyang posisyon.
Dahil may karapatan ka namang tumanggi sa promosyon, hindi dapat ipagpalagay na insubordination o pagsuway sa utos ang pagtanggi sa promotion kaya hindi ka dapat patawan ng displinary action o parusa para rito.