Daigdig matutulad sa planetang nilunok ng Star?

MATAGAL nang prediksyon ng ilang scientist at researcher batay sa mga pag-aaral at pananaliksik na darating ang panahon na mapupunding tulad ng bumbilya o mamamatay ang Araw bagaman sa larangan ng astronomiya ay kabilang ito sa tinatawag na Stars sa kalawakan. Maraming klase ng star, merong maliliit at malalaki, may mga bagong nabubuo at merong namamatay at may mga bituin na pinalilibutan ng mga planeta na tulad ng Araw. Dadaan pa naman ng bilyun-bilyong taon bago ito mangyari kung totoo man ang prediksyong ito. Siyempre pa, kung mamamatay ang Araw ay mamamatay din ang buhay dito sa Daigdig at kasamang maglalaho ang sangkatauhan maliban na lang kung meron na itong malilipatan at matitirhang ibang planeta.

Nito namang nagdaang linggo, napaulat ang obserbasyon ng ilang astronomer sa U.S. ang aktuwal na paglulon ng isang naghihingalo nang Star sa isang gas planet. Maitutulad sa Jupiter ang naturang planeta na kahit napakalaki ay nagawang kainin at lunukin nang buo ng naturang Star na lumaki nang lumaking mala-higante sa lubha nang pagtanda nito.

Isa umano itong pagpapakita sa maaaring mangyari kapag naging red giant ang Araw at kainin nito ang mga planetang malapit dito tulad ng Venus, Mercury at ang ating Daigdig.

Hindi naman intension ng mga astronomer at scientist na manakot at lumikha ng panic. Tila konsolasyon ang prediksyon na aabot pa ng humigit-kumulang na limang bilyong taon bago maging red giant ang araw.

Pinaniniwalaang karamihan ng mga planeta sa kalawakan ay magugunaw kapag nawalan na ng enerhiya ang Star na bumubuhay sa mga ito, naging red giant ito at lumaki nang lumaki hanggang sa lamunin nito ang mga planetang malapit dito.

Gayunman, bago pa man dumating ang panahong maaaring lunukin ng Araw ang Daigdig, hindi na matitirhan ng tao ang huli dahil lahat ng tubig dito ay pinatuyo at pinaglaho na ng una habang naghihingalo ito.

Maraming puwedeng isipin sa naturang mga senaryo. Puwedeng maipagwalambahala dahil napakatagal pa bago mangyari pero paano ang mga susunod na henerasyon sa hinaharap lalo na sa panahong sinasabing magiging red giant ang Araw? Sabagay, ngayon pa nga lang ang unti-unting nasisira ang ating planeta na isa sa mga sanhi ay ang global warming na kagagawan rin naman ng tao.

Mabuti sana kung sa loob ng maikling panahon ay makakatagpo ng ibang planetang puwedeng marating nang madali at mabilis at malilipatan at mapapanirahan ng tao. Ilang taon na rin naman ang bibilangin bago maisakatuparan ang pagbabalik at pagtatayo ng kampo ng tao sa Buwan. Kinakikitaan ng potensiyal na buhay ang planetang Mars pero napakaraming balakid at hamon na kailangan pang daanan bago tuluyang makarating at makatira ang tao roon.

Marami na namang nasisilip na iba pang planeta sa malalayong sulok ng kalawakan na kinakikitaan ng potensiyal na buhay pero wala pang katiyakan kung puwedeng mabuhay dito ang mga tao at kung merong mga nabubuhay na organism o ibang nilalang doon. Problema rin na hinahanapan ng kasagutan hanggang sa kasalukuyan ang napakahabang biyahe papunta sa ibang mga planeta.

Isa pa, mabuti sana, kung sakaling magagawa nang makatira at mabuhay sa ibang planeta, lahat ng tao sa Daigdig ay maisasama papunta roon. Asahan nang merong maiiwan sa ating planeta sa iba’t ibang kadahilanan.

••••••

Email: rmb2012x@gmail.com   

Show comments