Kalayaan sa pamamahayag

IDINEKLARA ng UN General Assembly ang Mayo 3 na World Press Freedom Day upang bigyang-diin na ang kalayaan sa pagsasalita o pamamahayag ang pinag-uumpisahan ng lahat ng karapatang pantao.  Alisin ang kalayaang ito at mawawala ang lahat ng iba pang karapatang pantao.

Nang pagtibayin ng buong mundo ang Universal Declaration of Human Rights noong 1948, apat na pundamental na kala­yaan ang tinukoy sa preamble nito: kalayaan sa pagsasalita at pamamahayag, kalayaan sa paniniwala, kalayaan mula sa takot, at kalayaan mula sa pangangailangan.  Nangunguna sa listahan ang kalayaan sa pagsasalita at pamamahayag na siyang nagbibigay ng karapatan sa mamamayan na makakuha ng mga tamang impormasyon.

Bago ang pamamahala ni Presidente Ferdinand Marcos noong 1965, itinuturing ang Pilipinas na may pinakamalayang pamamahayag sa buong mundo. Ngunit dahil sa pagpapatupad ng batas militar at diktadurya sa loob ng 14 na taon, simula 1972 hanggang 1986, nasikil ang kalayaan sa pagsasalita at pamamahayag. Kahit na sa mga sumunod na administrasyon pagkatapos ng matagumpay na EDSA People’s Power Revolution noong 1986, nanatiling nabubusalan ang kalayaang ito.  Simula noong 1986 hanggang ngayon, umaabot sa 197 ang mga mamamahayag na pinaslang dahil sa matapang nilang paghahayag ng katotohanan. Ang Pilipinas ay tinagurian ngayon na isa sa mga mapanganib na lugar para sa malayang pamamahayag.

Sa ngayon, ang mga mamamahayag na nagbubulgar ng katiwalian at imoralidad sa gobyerno ay pinararatangang kaanib, kundi man kaalyado, ng mga Komunista.  Ang tawag dito’y red tagging. Ang isang mamamahayag na mare-red tag ay lubhang nanganganib ang buhay. Sila’y nabu-bully sa social media ng mga bayarang bloggers at vloggers  Marami ring mamamahayag ang kinakasuhan ng libel o cyber libel bilang paraan ng panggigipit.

Ang pinakamatinding kaaway ngayon ng malayang pamamahayag sa mainstream media ay ang paglaganap sa social media ng disinformation, misinformation at black propaganda. Ang tawag dito’y fake news. Sobra ang laya sa social media, ngunit walang katapat na responsibility at accountability. Ayon sa survey, mahigit sa 73 milyong Pilipino ang aktibo sa social media, kung kaya’t tayo ang tinaguriang “Social Media Capital of the World”.  Marami sa ating mga kababayan ay sa social media na kumukuha ng mga impormasyon, sa halip na sa mainstream media.

Naalala ko noong ako’y nagtatrabaho sa media, hindi puwedeng basta maglalabas ng impormasyon sa diyaryo, radio at telebisyon na hindi muna biniberipikang mabuti. Ang mga mamamahayag ay sinanay sa pangangalap ng mga impormasyon upang matiyak na ang mga ito’y totoo. Sa kabilang dako, marami sa mga social media practitioners ang walang sense of social responsibility.

Mahalagang maging mapanuri ang mamamayan sa mga impormasyong nababasa sa social media.  Ayon pa rin sa isang pag-aaral ng SWS, 51 porsiyento ng mga Pilipino ang walang kakayahang alamin kung ano ang pekeng balita sa totoong balita.

Huwag na nating ila-like o isi-share ang mga impormasyong walang matibay na basehan.  Tayo na mismo ang maging tagabantay. Maging responsable tayo sa paggamit ng social media. Pakatandaan na anumang sabihin natin sa ating kapwa ay ipagsusulit natin sa Diyos. Ganito ang sabi sa Mateo 12:37, “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. Pawawalang-sala ka, o parurusahan, batay sa iyong mga salita.”

Show comments