EDITORYAL — Daming menor-de-edad na gumagamit ng vape

KAPANSIN-PANSIN ngayon ang pagdami ng mga estudyante (karamihan ay menor-de-edad) ang gumagamit ng vape. Makikita sila na nagkukumpulan sa vaping station. Paglabas nila, mahihiya ang dragon sa kapal ng usok na kanilang binubuga. Ang masama, kahit sa pampublikong lugar at pampasaherong sasakyan, nagbi-vape ang mga menor-de-edad. Wala nang pakialam ang mga kabataang ito sa kanilang ginagawa. Hindi nila alam na pinagbabawal ang paggamit ng vape at maski pagyoyosi sa mga lugar na maraming tao.

Ayon sa report ng Department of Health (DOH), mas maraming ka­bataang lalaki ang smokers kaysa mga kababa­ihan. Tinatayang nasa 2.8 million ang lalaking smokers samantalang nasa 1.8 million naman ang mga kaba­baihan. Ginawa ang surbey, tatlong taon na ang nakararaan at wala pang bagong surbey na inilalabas ang DOH pero ang tiyak, mas dumami pa ang naninigarilyo at nagbi-vape na kabataan ngayon.

Naging ganap na batas ang Vape Bill noong Hulyo 2022. Naging batas ito kahit hindi nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. Ang naturang panukala ay naratipikahan ng Senado at House of Representative noong Enero 26, 2022. Layunin ng batas na ma-re­gulate ang importasyon, manufacturing, pagbibenta, packaging, distribusyon, at paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotin products.

Ang masama sa batas, binabaan ang edad ng mga kabataan na makabibili at makagagamit ng vape. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos ang puwedeng bumili. Ang hakbang ay malinaw na paghikayat sa mga kabataan na magbisyo sa halip na turuan na umiwas dito. At nangyayari na nga sapagkat maraming kabataan ang nakapila sa vaping station. Kung bumuga sila ng usok ay walang pakialam kahit nasa publikong lugar.

Nang ipasa ng Senado ang Vape Bill noong 2022, maraming health advocates ang nangamba. Sinabi ng mga doktor na tulad ng sigarilyo, mapanganib ang paggamit ng vape dahil nagiging dahilan ito ng lung cancer. Ayon sa mga pag-aaral, ang vape ay may sangkap na chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nagiging dahilan para ma-addict ang gumagamit. Noong 2018 nang isang 16-anyos sa Western Visayas ang nagkasakit sa baga dahil sa nalanghap na usok ng vape. Ayon sa report, may kasama sa bahay ang babae na gumagamit ng vape.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na sisitahin nila ang mga estudyanteng menor-de-edad na gumagamit ng vape. Nararapat lang. Pati ang vaping station na nagbebenta sa menor-de-edad dapat kasuhan. May mga vaping station din na malapit sa school. Panagutin ang mga may-ari nito.

Show comments