EDITORYAL - Huwag magrelaks sa COVID-19
HINDI pa dapat magrelaks sa COVID-19 sapagkat may pagtaas ng kaso sa Metro Manila. Bagama’t hindi pa naman masasabing mabilis ang pagdami ng kaso, nararapat isaisip ng bawat isa ang pag-iingat. Huwag kalimutan ang nakaugaliang health protocol.
Ayon sa huling update ng OCTA Research Group, tumaas ng 14.8 percent ang positivity rate o hawahan ng COVID sa Metro Manila noong nakaraang Sabado. Unang inihayag ng OCTA na umakyat na sa 13.4 ang lingguhang positivity rate sa Metro Manila noong Abril 25 mula sa 8.4% na naitala noong Abril 19.
Ayon kay OCTA Research fellow Guido David na posibleng tumaas pa ng hanggang 20 percent ang positivity rate o hawahan sa Metro Manila. Ayon kay David, nararapat na maging maingat ang mamamayan lalo na kung lalabas sila ng bahay. Ang pag-iwas umano sa matataong lugar ay nararapat para hindi mahawahan ng virus. Ipinaalala niya na magsuot ng face mask kung lalabas ng bahay. Mabisang proteksiyon ang face mask.
Maski ang Department of Health (DOH) ay nagpahayag na tumaas ang kaso ng COVID sa buong bansa. Ayon sa DOH, may naitalang 781 bagong kaso ng COVID-19 noong Abril 27 kung saan 274 kaso ay nagmula sa Metro Manila. Ganunman, hindi pa naman daw maituturing na malubha ang pagdami ng kaso ng COVID. Isa pa sa magandang sinabi ng DOH, wala na raw naitatalang pagkamatay sa COVID-19 sa kasalukuyan.
Bagama’t siniguro ng DOH na hindi malubha ang kaso ng COVID at hindi dapat mabahala, dapat pa ring mag-ingat ang mamamayan. Hindi pa dapat lubusang maging kampante o magwalambahala. Dapat malaman ng publiko na marami pa rin ang hindi bakunado. Posibleng dumami ang kaso kung hindi mag-iingat.
Ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask. Paigtingin ng DOH ang pagbabakuna sa buong bansa. Kung bakunado na ang lahat, makasisiguro na wala nang lulubha pang kaso ng COVID at maituturing na karaniwan na lamang na sakit.
- Latest