Isang comic book fan sa Peru na may 1,548 pieces ng iba’t ibang Iron Man memorabilia ang nakatanggap ng Guinness World Record title na “Largest Collection of Iron Man Memorabilia”.
Nabili ni Miguel Andres Javier ang pinakauna niyang Iron Man action figure noong 2007. May sukat ito na 16 cm at secondhand niya itong nabili sa Lima, Peru.
Naengganyo siya na mangolekta pa nang marami matapos ipalabas sa sinehan noong 2008 ang unang Iron Man film kung saan si Robert Downey Jr. ang gumanap na bida.
Naging idolo niya ang superhero na si Iron Man dahil sa talino at sense of humor nito.
Bukod sa action figures, ang malaking koleksiyon niya ng mga Iron Man ay mayroon sari-saring memorabilia tulad ng DVD, komiks, libro, damit, at backpack. Pinangangalagaan niya ang kanyang mga koleksiyon sa pamamagitan ng pagtatago ng mga ito sa isang cardboard box.
Ang previous record holder ng world record na ito ay isang Marvel Cinematic Universe fan mula sa Pilipinas na may 351 Iron Man collection.
Matapos matanggap ang certification mula sa Guinness, nagbabalak agad si Javier na matalo ang sarili niyang record.