SI Gen. Benjamin Acorda Jr. na ang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP). Pinalitan niya si Gen. Rodolfo Azurin Jr.. Ginanap ang seremonya sa Camp Crame noong Lunes kung saan si Pres. Ferdinand Marcos Jr. ang panauhing pandangal. Si Acorda ang ikalawang PNP chief na itinalaga ni Marcos Jr.
Maraming nagulat sa pagtatalaga kay Acorda sapagkat wala siya sa listahan ng mga hinuhulaang papalit kay Azurin. Miyembro siya ng PMA Class 91. Siya ang ika-29 PNP chief mula nang itatag noong 1991.
Kakatwa ang nangyari ilang araw bago italaga si Acorda. Ilang araw bago bumaba sa puwesto si Azurin, pinayuhan o binigyang babala niya si President Marcos na maging maingat sa pagpili sa ipapalit sa kanya. Kulang na lang sabihin ni Azurin na maging matalino ang Presidente sa itatalagang PNP chief. Kung bakit pinayuhan niya si Marcos ng ganito ay siya lamang ang nakaaalam. Siguro naman, naging maingat na ang president sa pagpili kay Acorda sa pagkakataong ito at hindi siya nagkamali.
Ang isang tiyak, mabigat ang nakaatang kay Acorda sa pag-upo niya bilang hepe ng 220,000 miyembro ng PNP. Mamanahin niya ang mga iniwang problema ni Azurin. Mabigat ang mga problema sapagkat maraming pulis ang sangkot sa illegal drug trade. Maraming pulis ang nagre-recycle ng droga.
Kabilang diyan ang nakumpiskang 990 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon. Pawang opisyal at miyembro ng PDEG ang sangkot sa illegal drug trade. Nabigo si Azurin na putulin ang sungay ng mga pulis kaya bumagsak ang imahe ng PNP.
Malaking hamon kay Acorda ang problema sa illegal na droga na sangkot ang mga opisyal at miyembro mismo. Malaking responsibilidad ang nakaatang sa balikat niya sapagkat ang magiging kalaban niya ay mga nakauniporme rin na katulad niya. Dito makikita ang tapang at tatag ni Acorda. Kapag nagtagumpay siya sa paglaban sa kriminalidad, ilegal na droga at mga police scalawags, maibabangon niya ang bumagsak na imahe ng PNP.