Scammers, nagpipiyesta sa ekstensyon ng SIM card registration
Ayan at pinalawig na nga ang SIM card registration sa loob ng 90 araw.
Kasabay nga nyan ay ibinasura na rin ng Korte Suprema (SC) ang apela sa pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa SIM Registration Law.
At dahil nga sa mahaba-haba ang extension, mistulang nagpipiyesta sa ngayon ay yaong mga scammer.
Aba’y siyempre medyo matagal pa silang makapapaghahasik ng lagim.
Isa yan sa ibinabala ng Department of Information and Communications Technology (DICT), malamang na tumaas na naman ang mga text scam sa mga susunod na araw at buwan.
Aminado sila na isa yan sa hindi magandang dulot ng ekstensyon ng SIM card registration, ang pananamantala at pamamayagpag pa ng mga dorobo na nanloloko gamit ang iba’t ibang sim.
Hanggang kahapon kung saan hindi pa man inaanunsyo ang ekstensyon mahigit sa kalahati o 52.04% porsiyento pa lamang sa kabuuang SIM sa bansa ang nairerehistro.
Hindi pa naaabot ng DICT ang 70 percent na registered SIM na inaasahan na makakamit matapos ang 90 days na extension.
Pero mukhang hindi na dapat intayin pa ang mismong 90 araw extension at saka lang kikilos para magparehistro.
Nagbabala ang DICT may kaukulang araw o buwan eh uunti-untiin nila ang pag-disabled sa ilang mga features services ng mga hindi pa ring nairerehistrong SIM card.
Sa naturang 90-days extension oobserbahan nila ang rate ng registration at kung sa loob ng 30 hanggang 60 araw ay marami pa rin ang hindi tumatalima may ilang serbisyo ng SIM cards ang kanila nang ide-deactivate, kabilang na dyan ang pagtatanggal sa social media sites.
At siyempre kapag social media sites na ang pag-uusapan na mawawalan ng access, marami ang hindi papayag dyan.
Nandyan ang yata ang buhay ng mga Pinoy.
Kaya ang pinaka-solusyon dyan tumugon na sa panawagan bago ang deadline.
Kung di kikilos, pa-goodbye ka na sa socmed.
- Latest